CHAPTER 9

CHAPTER 9

TATLONG araw na ang dumaan magmula nang mangyari ang insidente sa noodle house at hindi pa nagigising si Xeen.

Talagang nataranta si Ezio. Bigla ba naman nitong daklutin ang dibdib sa aktong nahihirapang huminga, sino ang hindi magpa-panic? Pagdating nila sa pinakamalapit na ospital ay mahina ang heartbeat nito kaya dali-dali niyang ipina-transfer sa San Victorio Medical Center, ang ospital ng kanilang pamilya na nasa Makati.

At laking gulat niya na pagdating doon, wala naman itong problema. Normal na ang heartbeat nito pati ang pulse rate. Dahil hindi siya maniwala ay inulit niya ang pagkuha ng vital signs nito. At tama naman ang lahat. Para lang itong natutulog.

Dumaan ang twenty-four hours magmula nang mawalan ito ng malay at hindi pa rin ito nagigising. Kahit ano'ng gawin nila, walang epekto. Hindi nagkakamalay si Xeen kaya pinakabitan na niya ng IV at iba pang aparato para ma-monitor nang maayos ang vital signs.

Napahimas sa sariling batok si Ezio habang nakayuko sa natutulog na si Xeen. Natutulog lang ito base sa mga ginawa niyang examination. Sinuri din ang dalaga ng half brother ng kanyang ama na si Tito Linster na isang cardiologist. At katulad ng pagkakabasa niya sa mga test results ni Xeen, wala ring makitang mali sa dalaga ang kanyang tiyuhin. Pero bakit hindi ito nagigising? Ano ang mayroon at hindi ito nagigising?

“...Kasi, hindi lahat kayang ipaliwanag ng agham.”

“...Walang makikitang problema si Matthew, kasi pagtulog talaga ng mahaba ang paraan namin para ma-recharge ang energy namin."

Parang biglang bumalik sa isip ni Ezio ang mga sinabi ni Xeen sa kanya sa noodle house. Pero... Ano ang ibig sabihin niyon? May ganoong kondisyon ba ang mga may mental disorders? Pagtulog ang gamot para maging maayos ang mga ito?

Agad na dinukot ni Ezio ang cell phone sa bulsa at kinontak ang Tito Hugh niya, saka sinabi ang mga tanong sa kanyang isip. Pero isang tawa lang ang napala niya rito.

“I never heard of a treatment like that. Though sleeping really does help a lot. Kahit naman sa mga normal, nakakatulong talaga ang pagtulog.”

Isang buntong-hininga ang pinakawalan ni Ezio. He was getting crazier everyday. Isa siyang doktor pero sa pagkakataong ganito, lahat na ng bagay ay ia-assume niya. Sabihin nang bawal sa law of ethics nila ang maniwala sa mga bagay na walang paliwanag, pero sa sitwasyon ni Xeen, hindi pa ba siya kakapit sa mga unexplainable possibilities?

“Hey, wala ka bang balak na simulan ang residency mo? Galit na ang tatay mo dahil hindi ka mapasunod,” narinig niyang sabi ni Tito Hugh pagkatapos niyang manahimik sa kabilang linya.

“Ayoko muna. Hindi pa ako decided.”

“Why don't you take pediatric--”

“And let him win?” agad na putol niya sa sinasabi nito.

Iyon ang gusto ni Matthew para susunod siya sa yapak nito. Isang magaling na pediatrician ang kanyang ama. Walang duda roon. At mahilig din naman siya sa mga bata.

Pero hindi niya gustong matuwa ang ama kaya iniisang tabi niya ang sariling kagustuhan. Siguro, magbibigay muna siya ng serbisyo sa mga baryo-baryo. Mga lugar na hindi naaabot ng serbisyong medical.

At ang talagang pumipigil lang sa kanya na gawin iyon ay ang pagsulpot bigla ni Xeen sa buhay niya. Gusto na niyang malaman kung sino ang pamilya nito. Hindi naman niya ito kayang basta iwan lang hanggang sa may mag-claim na pamilya ng dalaga. He couldn't leave her just like that. Palagi kasing umaatake ang protective side niya. Naiisip na baka mapahamak ito, et cetera, et cetera.

At bakit ba hindi na kumontak si Jyle sa kanya?

“Come on, Ezio. Your father has been through a lot. Bakit hindi mo siya bigyan ng kahit kaunting kaligayahan?”

Been through a lot, my ass! gusto niyang isinghal kay Tito Hugh. If he knew better, iniwan niya itong nagpapakasaya sa bagong babae sa buhay nito. At napabalita pa itong nali-link sa ilang socialite, pagkatapos maririnig niya ang ganoon sa tiyuhin?

Hindi nagdusa at nangulila ang kanyang ama sa kanyang inang si Rysia. Busy ito sa trabaho at sa mga babae na umaaligid dito. Nagagawa nga nitong mag-party sa bar at uuwi sa bahay na lasing na lasing. Hah! Ezio had had enough. Tama lang na iniwan niya ang ama para harapin ang buhay na mag-isa. At ngayong hindi na siya nakatali sa kahit anong obligasyon dahil maayos naman na ang buhay ng kanyang Tito Conrad, gagawin na niya ang matagal na niyang gusto. Ang hanapin ang ina. Isasabay niya sa panggagamot sa mga remote barrios.

Malay niya, baka doon niya mahanap ang ina?

“Oh, please drop it, Tito. Ayokong pag-usapan si MZ.”

Dahil masama ang loob niya sa ama, hindi niya ito matawag na 'Papa.' He resorted to calling him by his initials. Kahit paano, ama pa rin niya ito at ayaw niyang maging bastos o magtunog bastos.

Isang buntong-hininga ang sagot ni Tito Hugh. “Alright,” anito. “Anyway, nabanggit mo na kailangan ni Xeen ng psychiatrist?”

“Yes. I've seen some signs na hindi normal ang takbo ng isip niya. May kinakausap siya sa rest house na batang ang pangalan daw ay 'Lukan.' At madami pa siyang--”

Parang narinig ni Ezio na suminghap ang kanyang tiyuhin sa kabilang linya. Hindi niya alam kung reaksyon ba iyon ng nabigla o ano.

“W-what did you just say?” parang kinabahang tanong nito.

Napakunot-noo siya pero binale-wala na lang. “`Yon nga... May mga sinasabi siya na--”

“Lukan... Did you say, Lukan?”

Nagsalubong na naman ang mga kilay ni Ezio. Bakit ganoon mag-react ang kanyang tiyo?

“Ano ang apelyido niya? Is she somewhat related to our family?”

“Huh?”

“Ano pa ang mga sinabi niya tungkol kay Lukan?”

Tuluyan na siyang nalito sa reaksyon ng tiyuhing doktor.

“Bakit niya raw kilala si Lukan? Paano niya nakilala?”

“Ewan ko. Teka, bakit ganyan ka magtanong, Tito? Sino ba si Lukan?”

Isang mahabang katahimikan ang sagot nito na talagang tuluyan niyang ikinalito.

“Kailan nangyari `yang sinasabi mo na kausap niya si Lukan?”

“That day na dumating kami sa rest house. At wala namang bata sa rest house. Walang anak sina Manang Nely at Manong Fred. Kung nag-ampon man sila, sana ay sinabi--”

“That can't be...” mahinang sabi ni Tito Hugh na mukhang para sa sarili lang.

“What do you mean, Tito?”

Para siyang binubundol ng kaba na hindi niya maintindihan.

“Matagal nang patay si Lukan. Seven years old siya noon at ikaw ay six months old pa lang.”

“Huh?”

Ii-interrogate pa sana niya si Tito Hugh tungkol sa sinasabi nito nang mahagip niya sa peripheral vision na kumikilos si Xeen. Sa pagharap niya rito ay inaalis nito ang IV na nakakabit sa kamay nito.

“Xeen, gising ka na!”

SUMAKIT ang likod ni Xeen sa halos tatlong araw na pagtulog pero okay na rin iyon, lalo pa at halos ma-drain siya sa pagiging careless ni Ezio.

Ah, hindi. Hindi si Ezio ang dapat na sisihin dahil hindi naman nito alam na ikamamatay niya ang simpleng salita na manggagaling sa bibig nito. Siya itong hindi nag-iingat. Sana hindi na lang niya ipinasok sa usapan nila ang tungkol sa mga lambana. Nasabi na nga nitong doktor ito, natural na hindi maniniwala si Ezio sa mga tulad niya. Hindi nga ba at iniisip pa nitong nababaliw siya?

Nang magising at maramdamang may kung anong nakakabit sa kamay ay sinubukan niyang alisin iyon habang busy si Ezio sa pakikipag-usap sa tito nito sa cell phone.

Yes, aware siya sa mga nangyayari kahit natutulog siya. Kaya alam din niya na nasa ospital siya at ganoon na lang ang pag-aalala ng binata para sa kanya. Parang alam na niya ang pakiramdam ni Kroen nang mga panahon na ito naman ang nag-recharge ng energy.

Masarap.

Masarap pala. Iba ang pakiramdam kapag mga kaibigan niya ang nag-aalala dahil may kasunod iyong batok sa kanya. Pero kay Ezio, parang may mainit na pakiramdam na dumadaloy papunta sa kanyang puso at humahaplos doon. Parang gusto niyang palaging mapahamak para palaging maramdaman ang pag-aalala ni Ezio sa kanya. She had never felt her heart melt the way Ezio's concern was capable of doing.

Gusto niya tuloy itong yakapin pagmulat pa lang ng mga mata, pero mas nauna niyang gustong uminom ng tubig. Sobrang uhaw siya at hindi makakahanap ng maiinom kung nakatali siya sa IV.

“How do you feel? May masakit ba sa `yo? May kailangan ka ba?” taranta at sunod-sunod na tanong nito na kinalimutan na ang kausap sa cell phone.

“Nauuhaw ako at masakit ang likod ko,” daing ni Xeen.

Nasa katawang tao siya at katulad ng mga iyon, nararamdaman niya rin ang discomfort na normal na mararamdaman ng mga ito sa ganoong sitwasyon.

Dali-dali si Ezio sa pag-abot ng bottled water, binuksan iyon at saka iniabot sa kanya. Iniisang lagok niya lang ang 350 ml.

“Nauuhaw pa ako,” aniya.

Sandaling tumunganga si Ezio sa kanya pero agad ding nakabawi. “Dito ka lang. Bibili ako. At `wag na `wag mong pakikialaman ang dextrose,” mahigpit na bilin nito bago umalis.

Napalinga-linga siya sa paligid. Ang ganda ng silid. Ang kakapal ng kurtina at maganda ang lahat ng gamit. Pink ang wall na may accent na white. Magaganda rin ang mga bulaklak sa flower vase. May malapad na flat screen TV, refrigerator na paborito niya at kung ano-ano pa na kailangan sa loob ng isang bahay. Tatayo sana si Xeen para silipin ang laman ng refrigerator nang marinig ang pagbukas ng pinto.

Sa pagbabalik ni Ezio may dala na itong 10 liters na tubig.

At sa panggigilalas nito ay walang anumang tinungga niya iyon mula sa mismong bote. Tulala si Ezio habang nagpapahid naman siya ng tumulong tubig sa gilid ng kanyang bibig.

“Hay! Bakit ang init pa rin? Gusto kong maghubad sa sobrang init,” reklamo niya na umaktong itataas ang laylayan ng hospital gown. Mabilis siyang pinigilan ni Ezio, sabay lingon sa pinto ng hospital room. Hindi naka-lock.

“Anong mainit? Ang lakas-lakas ng aircon!” nalilitong sagot nito sa kanya.

“Gusto kong magbasá. Parang pati balat ko, nauuhaw.”

“Nauuhaw ang balat? Gusto mo lang maligo, nililito mo pa ako,” reklamo na ni Ezio. “Teka, tatawag ako ng nurse para tulungan kang maglinis ng katawan. Natural lang `yan na gustuhin mong maligo at tatlong araw kang natulog lang,” sabi pa nito.

“Aanhin ko naman ang nurse?” takang tanong niya. Bakit kailangan ng katulong sa panliligo?

“Alangang ako ang magpaligo sa `yo? Baka hindi lang pagpapaligo ang magawa ko.”

At naglakbay ang maiinit nitong mga mata sa kabuuan niya. Hindi niya rin alam kung saan nanggaling ang tila sumisiklab na apoy na dumadaloy sa kanyang mga himaymay kasabay ng pagsuyod ng mga mata nito sa kanya. Her cheeks burned. Dahil kahit ayaw niya, may pumasok na maberdeng bagay sa kanyang utak.

“Oo nga. Sige, kumuha ka na ng nurse,” sambit ni Xeen.

Hindi naman siguro siya magkakabuntot dahil hindi naman tubig-alat ang lalabas sa gripo.

“Hindi. Ako na lang ang magpapaligo sa `yo.” Parang nang-aasar na ang tono ni Ezio.

Nakatikim ito ng matalim na irap mula sa kanya, pero sinagot lang nito iyon ng halakhak.

Bago pa makarating ang nurse ay may sumulpot namang lalaki na naka-scrub suit. Doktor yata dahil 'Doc' ang tawag dito ng nurse.

Kinunan siya ng pulse at kung ano-anong vital signs daw ng nurse na kasama nito.

“Everything is normal naman aside from her blood test,” baling ng doktor kay Ezio. Sandali siya nitong binigyan ng curious na tingin at bumaling ulit sa binata. “We need to talk,” sabi pa nito na tinanguan ni Ezio.

Nang tumalikod na ang doktor ay bumaling sa kanya si Ezio. “Magpatulong ka na ng panliligo at kakausapin ko lang ang doktor mo.”

Walang nagawa si Rysia kundi ang tumango na lang. Tinulungan siya ng mabait na nurse papasok sa pagkalaki-laking comfort room. Iniisip niya tuloy, napakaganda pala ng ospital. Parang mas masarap na tumira doon kaysa sa rest house ni Ezio.

“Tulungan ko na po kayong maghubad, Ma'am?” prisinta ng nurse.

“Ha? Ako na lang,” tanggi ni Xeen. “Sa labas ka na lang. Tatawagin na lang kita kung may kailangan ako.”

Tumango lang ito at lumabas na. Hangang-hanga si Xeen sa maganda at eleganteng banyo. May glass panel pang pinaka-divider ng shower at toilet. Hindi kagaya sa rest house na shower curtain lang. Sliding glass panel din ang pinakapintuan ng dalawa. Sa rest house, walang pinto. De-hawi ang shower curtain.

Ano kaya kung i-request na lang niya kay Ezio na doon na sila tumira?

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.