CHAPTER 10

“HINDI ko maintindihan. Walang abnormalities sa vital signs niya o kahit sa physical examination. Pero may parasite sa dugo niya. May DNA din ng isda na nakahalo. Ilang beses kong ipinaulit ang blood test at baka na-contaminate lang pero talagang iisa ang result.”

Napapakunot-noo si Ezio sa mahabang paliwanag ni Vince, ang doktor na tumitingin kay Xeen. Puwede namang siya ang tumingin sa dalaga pero hindi siya maka-focus dahil sa sobrang pag-aalala.

Na palagay niya, hindi naman yata dapat. Nagulantang talaga siya na makitang naubos nito ang 10 liters ng distilled water sa isang inuman. At kulang pa, ha?

Para sa isang galing sa sakit, hindi normal ang nakita niya. Ni hindi ito nahirapan na buhatin ang sampong litro. Para lang itong may hawak na baso.

“Paanong nagkaroon ng parasite at DNA ng isda sa dugo niya?” nagtatakang tanong niya kay Vince.

“`Yon din ang tanong ko. At bakit wala iyong epekto sa body systems niya? Imposible dahil hindi normal na bagay na may mahalong other thing sa dugo niya. Saan mo ba nakilala si Xeen? At ang pamilya niya, kilala mo? Tagasaan sila? Baka hindi lang siya ang may ganitong kaso,” curious pa ring ungkat ni Vince. “Baka may kung anong syndrome na hindi pa natin alam."

Napailing si Ezio. Hindi niya rin alam kung paano sasagutin ang mga tanong nito.

“Ipinapahanap ko pa ang pamilya niya,” discreet na sagot na lang ni Ezio sa kapwa doktor.

“I suggest you convince her to stay a few more days at the hospital para mapag-aralan--”

“No!” agad na tutol ni Ezio.

Hindi niya alam kung saan nanggaling ang pagtutol na iyon matapos mahimigan kay Vince na parang gusto nitong pag-eksperimentuhan ang kondisyon ni Xeen.

“Come on, Ezio. Her DNA is confounding. I suspect a very rare syndrome that's previously unheard of. Baka may mga katulad niya. At kung wala... this could be a very important medical discovery.”

“Hindi mo siya puwedeng pag-aralan basta.” Gustong maggitgitan ng mga ngipin niya sa pagkapika.

Vince was a nice guy, pero may pagkagahaman ito pagdating sa achievements.

“Kaya nga we will ask for her consent. If not from her family na missing in action, then sa kanya mismo...” pagpipilit nito.

“I serve as her guardian and I am declining the request.” Asar na tumayo na siya. Nabubuwisit siya sa ideya na gustong pag-eksperimentuhan ni Vince ang babae.

“Bakit, Ezio? May itinatago ka ba tungkol sa katauhan ni Xeen?” Parang naghahamon na rin si Vince.

Matalim na tiningnan niya ito. “At ano naman ang itatago ko?”

“Kung ganoon, bakit ayaw mo siyang ipa-test? Patingnan mo siya sa hematology natin para malaman kung ano ba talaga ang sekretong mayroon sa dugo niya.”

Naaasar si Ezio. May point naman si Vince. Nakaka-curious talaga kung bakit may ganoong abnormalities sa DNA ng isang tao. It could be a rare genetic disorder. Pero para sa kanya, hindi rin tama na basta pag-aralan si Xeen. Wala sa tamang kaisipan ang dalaga para hingan ito ng permiso. Mas mabuting ang pamilya nito ang maabisuhan. At kung siya ang tatanungin, hindi niya gusto na maging guinea pig ito sa isang medical research.

Alam niya ang kalakaran sa mundo ng medisina. Kapag lumabas ang tungkol sa abnomarlities sa DNA ni Xeen, magiging curious ang mga medical scientists at geneticists, to the point na buong katawan na ng dalaga ang pag-aaralan ng mga ito. Para itong hayop na pagpipiyestahan ng mga mausisa. Pakiramdam niya ay mabababoy si Xeen. At hindi niya papayagan iyon. As long as nakikita niyang wala namang problema sa katawan at kalusugan ni Xeen, palagay niya ay hindi ito dapat pag-aralan.

Alam naman ni Ezio na kakaiba si Xeen. Maski sa pag-iisip nito ay may imbalances. Kaya nga gusto niya itong patingnan kay Tito Hugh. Pero hanggang doon lang. Ayaw niyang mapakialaman ang katawan nito. He himself was curious with the genetic information had Vince laid in front of him. Pero hanggang doon na lang iyon. Ayaw niyang saklawan pa at usisain ang tungkol sa unusual na genetic makeup ni Xeen dahil para sa kanya ay hindi iyon makatao.

Maayos naman ang kalusugan ni Xeen at iyon ang mahalaga.

“No need for that,” pabuntong-hiningang tanggi ni Ezio. “Can't you see she's perfectly fine?”

Hindi na niya hinintay na sumagot si Vince at lumabas na ng opisina nito. Kung okay na okay na talaga si Xeen, at ang palagay naman niya ay maayos na ito, kailangan na niya itong maiuwi. Pero bago iyon ay kailangan niyang mai-delete sa server ng ospital ang information tungkol sa dalaga. Alam niyang hindi titigil si Vince hangga't hindi napapakain ang curiosity nito.

Pagkarating ni Ezio sa hospital room ni Xeen ay naabutan niyang nag-uusap sina Tito Hugh at ang dalaga. Seryoso ang kanyang tito habang parang nalilito naman si Xeen pero sinasagot ang tanong ng doktor.

Siguro narinig ni Tito Hugh ang pagkagulantang niyang makitang gising na si Xeen kaya nandoon ngayon. At base sa pag-uusap nila, na-curious din ang tiyuhin sa katauhan ni Xeen.

“Sige, ituloy n'yo lang ang pag-uusap. Aayusin ko lang ang mga gamit,” aniya nang mahinto ang mga ito. Dumeretso siya sa closet kung saan isinalansan ng nurse ang mga gamit ng dalaga na pinamili nila sa palengke sa San Juan.

“Aalis na tayo? Gusto ko pa dito. Ang kumportable dito kaysa do'n sa pangit mong bahay.”

Hindi malaman ni Ezio kung mangingiti sa narinig. Paano ba namang hindi magugustuhan ni Xeen sa hospital room ay isa iyon sa mga VIP suites nila? Ang rest house sa Batangas ay hindi niya na maalala kung kailan ba niya huling dinalaw o maski ng kanyang ama magmula nang mawala ang kanyang ina. Dalawampung taon na magmula nang mawala si Rysia.

Marami nang sira sa bahagi ng rest house. Ni hindi yata binigyan ng fund ni Matthew para sa maintenance. Kailangan na talagang ma-renovate. At kung siya ang tatanungin, ayaw niyang mawala ang rest house. Nandoon ang ilang masasayang alaala ng kabataan niya. Noong maayos pa ang pamilya niya.

Nagbuntong-hininga si Ezio. Kapag naaalala ang childhood days, talagang nawawalan siya ng sigla.

“Hindi tayo puwedeng magtagal dito. Saka okay ka naman na. Mas malakas ka pa sa kalabaw,” tugon ni Ezio na itinuloy ang ginagawa. “Sige na. Mag-usap na kayo ni Tito Hugh,” pagdi-dismiss niya sa dalaga at tinanguan ang tiyuhin.

Alam niyang ang pakikipag-usap ang paraan ni Tito Hugh para sa discreet checkup nito sa pasyente. Hinayaan niya ang mga ito na mag-usap habang isinasalansan niya sa traveling bag ang mga gamit.

KALALABAS lang ni Ezio ng technical room. Naging napakaingat niya sa pagsalisi roon matapos asikasuhin ang bill. Hinayaan muna niya sina Tito Hugh at Xeen na mag-usap para din magawa niya ang planong pagde-delete ng data ng babae. Kailangang sa pag-alis nila roon ay wala nang bakas ni Xeen. Para din maputol na ang kung anumang babagong sibol na pag-uusisa ni Vince.

Kung bakit niya ginagawa iyon, simple lang ang dahilan. Gusto niyang protektahan ang dalaga. Lalo pa sa ganitong sitwasyon na wala ito maski sino maliban sa kanya.

Yes, he was officially appointing himself to be her guardian. Ayaw niya. Ayaw ng utak niya. Pero kabaligtaran ng sinasabi ng utak niya ang mga kilos at desisyon ni Ezio.

Bahala na.

Ang dalawang salitang iyon na lang ang nagiging sandalan niya. Maano ba kung gawin niya iyon para kay Xeen? Kaysa naman sa maya't maya siyang sisinghalan ng kanyang konsiyensiya.

Pabalik na ang binata sa room ni Xeen at baka tapos na itong i-evaluate ni Tito Hugh, pero may naabot ang tingin niya sa kabilang pasilyo. Kilala niya ang built ng lalaking papalayo maski pa nakatalikod na ito. Patakbong hinabol niya iyon.

“Jyle!” malakas na tawag niya.

Nakatatlong tawag pa siya bago iyon lumingon. Dahil sa mga nangyari, nakalimutan na niya itong tawagan at abisuhan na nasa siyudad sila at wala sa rest house. Baka dinala na nito sa San Juan ang mga kailangan niyang tao ay hindi niya pa nalalaman.

“`Oy, pare. Ikaw pala. Akala ko nasa San Juan ka?” Napakunot-noo ito na parang nagtaka. Sa sarili. “Nabanggit mo sa `kin na nasa San Juan ka, tama?”

Siya naman itong natigilan at medyo nalito sa tanong ni Jyle. Pero hindi na niya iyon pinansin. Mas importante ang tanong niya. Bumuwelo muna si Ezio.

“Ano'ng ginagawa mo dito? May pasyente kang ipinasok?” polite na tanong niya sa kaibigan. Paraan na rin ng pangungumusta.

“Ah, oo. `Yong isa sa mga witness sa assignment na hawak ko, ini-interview ko lang,” anito na tinapik siya sa braso. “Ikaw? Balik-trabaho?”

Umiling siya. “May nangyari kasi kay Xeen kaya nandito na naman ako.”

Sandaling kumunot ang noo nito. “Xeen... `yong maladiyosa sa kagandahan at ka-sexy-han na pina-background check mo sa `kin? Bakit? Ano'ng nangyari sa kanya?”

Nagliliparan ang mga kilay ni Ezio sa paraan nito ng pagkakaalala kay Xeen. Aminado siyang napakaganda at napaka-sexy naman nga ni Xeen, pero hindi niya gusto ang ideya na nag-iiwan ito ng pantasya sa utak ni Jyle. Obvious iyon sa paraan ng pagkislap ng mga mata nito habang nagtatanong sa kanya at gusto niya talagang mairita.

“Nawalan siya ng malay pero okay naman na. Actually, palabas na kami ngayon at iuuwi ko na siya.”

Napatango-tango si Jyle.

“So, nakausap mo na ba? Nakumbinsi mo na sila?” singit agad niya sa kanina pa niya kating-kating itanong.

“Ha?” litong tanong din nito.

Maski siya ay napapaarko na ang kilay. “`Yong Rosette at Erastus? `Di ba sabi mo sa `kin no'ng dalawin mo ako sa rest house, kakausapin mo pa `yong buddy mo bago mo kami iharap sa kanila n'ong babae niya?”

“Ano? Teka lang pare...” awat nito sa kanya. “`Yong buddy ko si Razee, `yon ba? Siya ba? Pero madami siyang babae at wala akong matandaan na may Rosette ang pangalan sa kahit na sinong idine-date niya. Baka nagkamali ka ng dinig. Saka `di ko maalala ang usapan natin na sinasabi mo.” Sandali itong natigilan na parang naghahalukay ng mga alaala sa isip.

Si Ezio ay tuluyan nang naguluhan. May memory gap ba si Jyle at nakalimutan na iyon? Kaya lang, tatlong araw pa lang naman ang lumipas. It was not so like him na makalimot sa ganoon kadaling panahon.

“Teka, para sa'n pala at gusto mo silang makaharap?”

Tuluyang napanganga si Ezio sa tanong na iyon ng kaibigan.

It seemed like the memory of their conversation about Rosette and Erastus was totally erased from his mind. Kaya ba hindi na ito kumontak sa kanya? Nakalimutan na nito?

Pero imposible yata at alam niyang matalas ang isip ni Jyle.

Parang may pumitik sa sentido ni Ezio pero binale-wala niya iyon. Baka nanti-trip lang ang kaibigan. Ganoon sila noong high school. Ginugulo ang usapan kahit seryoso pa iyon. Mga pang-asar lang nila sa isa't isa.

“Come on, pare. Sigurado ako sa pangalan. `Yon `yong babaeng--”

Natigilan si Ezio sa tangkang pagde-describe sa tinutukoy niya. Unti-unti kasing napapawi sa utak niya ang eksaktong hitsura ng picture na pinakita sa kanya ni Jyle no'ng huli nilang pagkikita. Lumalabo ang kulay hanggang sa maging linya, na naging tuldok at sa papahuli ay tuluyang nawala ang image sa kanyang utak. At ang mismong eksena sa kanyang alaala habang ipinapakita ni Jyle ang picture.

Teka...

Bakit...?

Ano'ng nangyayari sa akin?

Hindi ko puwedeng makalimutan...

Erastus...

Rosette...

Ang mga pangalan. Ang mukha ni Rosette... Ang hitsura ng babae sa picture... Bakit unti-unting nabubura sa isip ko?!

Nagba-backward play ang lahat ng eksena sa isip niya. Naglalaho rin ang mga detalye na ibinahagi sa kanya ng kaibigan tungkol sa kung sino, na alam niya sa likod ng isip na may malaking kinalaman kay Xeen. Patindi nang patindi ang kirot sa kanyang sentido na napapaungol na nang mahina si Ezio.

“`Yong babaeng ano? Pare, okay ka lang ba?” untag ni Jyle kay Ezio.

“Ha?” baling niya rito.

Nawala ang sakit ng ulo pero may magulong pakiramdam sa kanyang kalooban. May kaguluhan din sa kanyang isip. Para siyang nagising sa panaginip kung saan nahuhulog siya sa napakalalim na balon pero hindi niya narating ang pinakadulo.

“`Yong sabi mong babae ni Razee na Rosette ang pangalan?”

“Ha?” Nagulumihan na ng tuluyan si Ezio. “Sinong Razee? At sinong Rosette?”

Nagsalubong ang mga kilay ni Jyle na halatang takang-taka sa kanya. Pero bigla rin itong tumawa at tinapik siya sa balikat.

“Hindi ka pa rin nagbabago, eh, `no? Luko-luko ka pa rin!” buska nito sa kanya na tatawa-tawa pa rin.

Sa totoo lang, medyo nalilito siya sa takbo ng usapan nila. Bakit pakiramdam niya, may nawalang impormasyon sa kanyang isip? Nagbalik-tanaw siya sa takbo ng usapan nila noong huli nilang pagkikita sa rest house dahil pakiramdam ni Ezio, doon siya dapat magsimula sa mga isipin. Pero natapos ang kuwentuhan nila sa paulit-ulit na pagsamba ni Jyle sa kagandahan ni Xeen at sa pagkairita niya sa may malisyang tingin nito sa dalaga. Sinabihan pa siyang territorial. At hanggang sa magpaalam ito ay napaka-defensive niya.

Hanggang doon lang. Alam niyang kompleto ang alaala. Sinasabi ng isip niya na kompleto iyon, pero bakit ang pakiramdam niya ay para bang may hinahanap siyang impormasyon? Napakahalagang impormasyon.

Naguguluhan man ay nakitawa na rin si Ezio kay Jyle. Sumasakit lang ang ulo niya sa paghahalukay sa utak pero wala namang makita.

“Ang gulo ng kuwentuhan natin, pare,” sabi na lang ni Ezio pero wala na ang totoong enthusiasm.

“Ikaw, eh. Ang gulo mo magtanong,” anito. “Teka, saan ang kuwarto ni Xeen? Pasilip naman ako sa maladiyosa mong alaga?”

Agad na nangulimlim ang mukha ni Ezio at tuluyang nakalimutan ang pinag-uusapan nila. Kilala niya itong si Jyle. Magpapa-cute lang ito kay Xeen. Mahilig pa naman ito sa mestiza at maganda.

“May evaluation session sila ng tito ko. Sinabi ko naman sa `yo na medyo hindi maayos ang utak ni Xeen,” agad na awat niya kay Jyle.

“Eh, di hihintayin kong matapos.”

“Matagal pa sila.”

“May oras pa naman ako. Silip lang. Para makapag-'hi' na rin. Ngayon lang ako nakakita ng gano'n kagandang babae, pagbigyan mo na ako. Hindi ko naman aagawin sa `yo.”

Pumalatak si Ezio at tinapik si Jyle sa balikat. “`Di ba may trabaho ka pa? Naka-duty ka pa yata. O, lumakad ka na at marami pa rin akong gagawin,” pagtataboy niya sa kaibigan.

Tinapunan siya nito ng nakakalokong ngiti. “Ito... Ipinagdadamot mo na sa `kin ang chick mo, ah? Dati, no'ng high school, excited ka lagi sa pagpapakilala ng girlfriend mo--”

“Nah... Lumakad ka na.” Tinapik niya ulit ito sa balikat.

“Mukhang nadale ka sa isang iyon, ah. Sabagay, kung ako ang nakabingwit kay Xeen, babakuran ko talaga. Hindi ko papalapitan kahit sa langaw.”

“Sira-ulo...!” sabi niya na natatawa na rin. “Masyadong inosente si Xeen para sa tulad mo.”

“Sus... `wag ako, bro. Isa ka rin naman.”

Ilang batuhan pa ng asaran at nagpaalam na ito. Sa susunod daw na magkita sila, hindi na niya maitatago sa mata nito si Xeen. Iiling-iling na bumalik si Ezio sa hospital room ng dalaga para lang mabungaran ang shocked na reaction ni Tito Hugh.

“I don't really want to say this but I think... we need to refer her to a parapsychologist.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.