CHAPTER 11

NA-SHOCK si Ezio pagkarinig sa sinabi ng tiyuhin. Baka nagkamali lang siya ng narinig mula rito. Bakit biglang naisama ang parapsychology?

“Tito? Are you serious? Against `yan sa etiquette nating mga doktor at alam kong alam mo `yan,” nagtatakang sambit niya.

“Yes... yes... I know.”

Nababahalang nilingon nito si Xeen na busy na sa panonood ng TV. Malakas ang volume at mukhang engrossed ang dalaga sa pinapanood. Hinila siya ni Tito Hugh sa may pinto para medyo makalayo kay Xeen. Alam naman nilang imposible na marinig pa sila nito dahil busy na ito sa pinapanood. Mukhang maselan talaga ang sasabihin ng tiyuhin.

“Kung scientifically ibe-base, may schizophrenia si Xeen. May sarili siyang mundo na binuo at iniisip na totoong nag-e-exist. But...”

Huminto ito sa pagsasalita na parang nag-alinlangan, na ipinagtaka niya. It was not so like him dahil ang tipo ni Tito Hugh ay palaging sigurado sa diagnosis at evaluation nito.

“But what?” nagtatakang encouraged niya rito.

Tinitigan siyang maigi ni Tito Hugh na parang pinag-iisipang mabuti kung itutuloy ang sasabihin o hindi. “She is not related to our family, right?” Tanong nito.

“Yes. Ngayon ko nga lang siya nakita. Technically, no'ng isang araw na ginamit ko si Cromwell.”

“At ngayon lang din daw siya nakarating sa mundo natin,” walang anumang dagdag nito.

“What? Wait...”

“Sinasabi niya na isa siyang mythical creature,” muling saad ni Tito Hugh.

Tuluyan nang nagulantang si Ezio, pero matapos ang ilang segundo ay natawa nang mahina sa seriousness ng boses ng tiyuhin. “Don't tell me naniniwala ka, Tito?”

Gusto niyang ma-stress. At the same time ay matawa sa nakikita at naririnig sa tiyuhin.

“I didn't believe her at first. Lalo na nang sabihin niyang lambana siya pero kapag nasa dagat ay sirena. Na may disequilibrium daw sa mundo nila kaya nangyayari iyon sa kanya. Na babalik ang lahat kapag naibalik si Erastus-who-ever-he-is sa mundo nila.”

Erastus...

The name rings a bell.

Sino si Erastus? Bakit pamilyar sa pandinig ko?

“Na sinundo daw ni Rosette si Erastus sa mundo natin at `yong kaibigan mong si Jyle, dadalhin sa rest house mo ang dalawa para i-confirm sa `yo na magkahawig sila ni Rosette. Which is actually true daw talaga dahil ang mga lambana raw ay may mga similarities. Pare-pareho daw sila ng korte ng mukha pero nagkakaiba sa kulay ng mata, buhok at pananamit. Can you believe that? Parang katulad lang sa European folklore na kinaadikan ng mga batang babae,” natatawa ring sabi ni Tito Hugh. “Sinasang-ayunan ko lang siya sa lahat ng kuwento niya dahil nabubuo na nga ang evaluation ko. Pero nagbago ang lahat nang banggitin niya ang isang bagay na matagal nang binura ng pamilya natin sa alaala ng lahat ng family members.”

Tuluyang nakuha ni Tito Hugh ang atensyon niya. Kanina kasi ay parang nagda-divert papunta sa kung saan ang utak niya, pagkarinig sa bahaging binanggit nito ang tungkol kina Erastus at Rosette. Narinig na niya ang mga pangalan na iyon at hindi niya maintindihan kung bakit hindi niya maalala kung saan at kailan. Pero sa pakiramdam niya ay sariwa pa sa pandinig niya.

Ah! Mas mahalaga ang huling sinabi ni Tito Hugh.

“Ano'ng bagay na matagal nang binura sa pamilya?” baling niya rito.

Nagbuntong-hininga si Tito Hugh at mas pinahina ang boses. “Hindi ako ang dapat magsabi nito sa `yo, Ezio.” Parang nagdadalawang-isip pa rin ito.

“Ng ano?” Nalilito na talaga siya.

“Ng tungkol kay Lukan,” mahina pero mariin na sambit nito. Deretso ang mga mata sa kanya.

“Lukan?”

Iyon ba iyong batang binabanggit ni Xeen?

“Lukan is--was--your older brother.”

Nagulantang siya. Mayroon siyang older brother? Paano? Bakit hindi niya nalaman?

So, hindi iyon ang batang sinasabi ni Xeen?

“Namatay siya at the age of seven dahil sa complications ng operation niya. Six months ka lang n'on.”

Nabanggit na iyon ni Tito Hugh sa phone noong nasa San Juan siya pero hindi niya in-expect na kapatid niya ang batang tinukoy nito.

Gimbal si Ezio at hindi kaagad nakapag-react. Honestly, hindi niya alam kung paano magre-react. Bakit hindi niya alam ang tungkol doon? Bakit hindi ipinaalam sa kanya ng mga magulang ang tungkol sa kanyang kapatid?

Gusto niyang magalit. Gusto niyang maghinanakit? Pero mas lamang ang maraming tanong na 'bakit?' sa isip niya.

“I know what you're thinking, but hear me out first bago ka magalit sa mga magulang mo.”

Yes. Tama si Tito Hugh. Mas maiging dito niya marinig ang dahilan kaysa sa kanyang ama. Dahil malamang na hindi naman magsabi ng totoo si Matthew. Itinago nga nito ang tungkol sa kanyang kapatid.

“Hindi ko ito dapat sasabihin kung hindi lang dahil sa kalagayan ni Xeen--”

“I want to hear it now, Tito.” May pagkainip na ang tono niya.

“Okay,” pabuntong-hiningang pagsuko nito. “Alam mo naman siguro na may bipolar disorder ang mama mo, `di ba?” Tumango siya. “Nagdaan din siya sa matinding depression no'ng nagbubuntis pa siya kay Lukan at umalis ang papa mo. Hindi alam ni Matthew na buntis si Rysia. Dahil sa mga treatment niya para maka-survive sa disorder at depression, naapektuhan ang kanyang ipinagbubuntis.”

“Did she undergo ECT?”

Ang ECT o electroconvulsive treatment ay ang pinaka-safe na treatment para sa may mental disorders na nagbubuntis.

Tumango si Tito Hugh at parang dinurog ang puso niya habang nai-imagine ang pinagdaanan ng ina. Parang nadagdagan ang sama ng loob niya sa ama.

“But after years na nagkita ulit sila ay naayos naman ang lahat. Nagkapaliwanagan at nagpakasal sila. At pagkatapos nga ng mahigit isang taon, ipinagbuntis ka ni Rysia. But that time ay palala nang palala ang sakit ni Lukan. Inilihim na iyon nina Matthew at Linster kay Rysia dahil natatakot sila sa magiging epekto sa mama mo, lalo pa at nagbubuntis nga sa `yo. Ayaw ni Matthew na dalhin mo rin ang complications na dumapo kay Lukan kung sakaling magka-relapse sa bipolar disorder niya si Rysia. Your father just wanted to protect you habang itinatago nila ang kondisyon ni Lukan. Nang maipanganak ka ni Rysia, noon ipinagtapat ni Matthew ang totoong kalagayan ni Lukan. Dumaan na naman sa depression ang iyong ina. That time, hindi makakapag-decide si Rysia para kay Lukan, so Matthew decided for them. Nag-undergo ng surgery si Lukan at successful naman ang pagpapalit ng organ. But Lukan's body was very weak. Ni-reject ng katawan niya ang bagong organ and he... died.” Tito Hugh paused for a while.

Ramdam ni Ezio ang bigat sa tono habang nagkukuwento. It must be because he loved his first nephew so dearly. Bukod doon, best friend ng mama niya ang asawa nito na si Tita Becky kaya malamang na malapit sa mga ito ang kanyang kapatid.

Umantak tuloy ang kirot sa puso niya. Nakakapanghinayang at sobrang nakakalungkot na nawalan pala siya ng kapatid na ni hindi man lang niya nalaman.

“Sinisi ni Matt ang sarili niya sa kanyang maling desisyon. Sana raw ay hindi na niya pinaoperahan si Lukan. Mas pinaikli lang daw niya ang buhay ng anak. Pero sino bang ama ang maghahangad ng masama para sa anak? Hindi niya masabi kay Rysia ang mga nangyari dahil nag-a-undergo nga ang mama mo ng treatment. Pero accidentally, nalaman niya rin. Hindi matanggap ng mama mo at nagkaroon na naman siya ng relapse. Then one day, nagising si Matthew na okay na si Rysia at nilalaro ka na. Rysia witnessed your first step at tuwang-tuwa siya. Okay na sana. But the sad part is... nabura na sa alaala ni Rysia si Lukan. Hindi niya maalala maski ang mukha at pangalan o ang kahit na anong tungkol kay Lukan."

"Selective amnesia," sabi niya.

Tumango si Tito Hugh.

Parang pinipiga nang mariin ang puso ni Ezio sa mga nalaman. Sa mga pinagdaanan ng kapatid at ng kanyang mga magulang. At ang pinakamasuwerte pa pala sa kanila ay siya. Pero ano ang ginagawa niya ngayon? Iniwan niya si Matthew at nagtanim ng sama ng loob dito.

Pero masisisi ba siya ng kahit na sino? Nang mawala ang kanyang mama, ilang taon lang at sumuko na si Matthew sa paghahanap. Sarili na lang nito ang inintindi.

“Dahil nakita ni Matthew na iyon ang mas makakabuti kay Rysia, pinanindigan na niya na wala na si Lukan kahit sa alaala. Ipinaalis niya ang mga pictures na kasama si Lukan at ang mga gamit ng kapatid mo. Hindi ko alam kung saan dinala. Ipinaliwanag niya sa amin at mahigpit ang bilin na `wag nang babanggitin si Lukan. Nakatago rin sa publiko ang tungkol dito. Ipina-exhume at ipina-cremate niya si Lukan at itinago kay Rysia ang abo. Kung saan niya dinala, siya lang din ang nakakaalam. Maski kami ng Tita Becky mo, walang ideya.”

Naikuyom ni Ezio ang mga kamao. It was so like Matthew. Palagi nitong pinipili ang mas madali.

Alam niya na iniisip lang nito ang kalagayan ng mama niya. But didn't Ezio deserve to know that he had an older brother?

Kawawa naman si Lukan. Malamang na hindi na rin nakakadalaw ang kanyang ama sa kung saan man nito itinago ang abo ng kapatid. Malamang na malungkot si Lukan sa kung saan man ito naroroon. At nakakapanghinayang na hindi man lang niya ito nakilala. His life might have been different if Lukan was still alive.

Hindi sana ganito...

“And the thing na alam ni Xeen ang tungkol kay Lukan at kilala niya ito sa edad na pito, it was really... stupefying...”

Pabiglang napabaling si Ezio sa tiyuhin dahil sa narinig. “W-what do you mean?” kandamulagat na tanong niya.

“Maayos na nai-describe sa akin ni Xeen ang batang Lukan na tinutukoy niyang nakikita niya sa rest house. It was exactly the image of your older brother at the time of his death. Pati ang white polo na suot niya sa burol, ganoon na ganoon ang natatandaan ko. Hindi ko lang maintindihan kung bakit sa rest house nagpapakita si Lukan... Ahhh, alright...” Nagbuntong-hininga na naman ito. “Hindi ako naniniwala sa mga supernatural entities at labag nga iyon sa etiquette nating mga doktor. But Xeen's condition is different. Nasasabi niya ang mga bagay na imposible niyang malaman. Lalo pa at hindi naman lumabas ang information noon tungkol kay Lukan. And besides, para saan at aalamin pa iyon ni Xeen? At kung may imbalances sa utak niya, mas lalong imposibleng makapag-research pa siya tungkol sa `yo. And again, for what reason? Sabi mo nga ay ni hindi kayo magkakilala.”

Natitigilan pa rin si Ezio habang tinitimbang ang labo-labong impormasyon at mga pangyayari. Magmula nang pumasok si Xeen sa buhay niya, nagiging mas magulo ang lahat. Magulo na nga ang sitwasyon at relasyon nilang mag-ama. Ngayon naman, ginugulo siya ng mga pangyayaring may kaugnayan kay Xeen.

“Kaya I suggest na kumonsulta tayo sa parapsychologist...”

Hindi na niya naintindihan ang sinasabi ng tiyuhin dahil nahagip ng mga mata niyang sumisinghot at nagpapahid ng luha si Xeen habang nakatutok ang mga mata nito sa TV. Nakakunot-noong lumipad ang mga mata niya sa pinapanood nito pero nasa cartoon channel iyon at comedy ang palabas. Ano'ng nakakaiyak at sumisinghot-singhot pa ito?

Bigla ring inapura ng nag-aalalang bahagi niya si Ezio. Baka may masakit dito at hindi lang nagsasabi. Napasugod tuloy siya palapit kay Xeen.

“Xeen? What's wrong?”

Tarantang agad niyang tiningnan ang mga braso nito at iba pang bahagi ng katawan. Dinama niya rin ang noo at leeg nito. Pero sa pagkagulat niya ay bigla siyang niyakap ng dalaga sa baywang at isinubsob ang mukha sa tiyan niya.

He gasped and couldn't control his body's reactions as she hugged and sobbed against his stomach. A wild and flaming sensation was lurking inside him.

“Kawawa naman pala si Lukan. Patay na pala siya at hindi man lang niya na-enjoy ang buhay. Bakit hindi niya sinabi sa `kin? Saka bakit siya nagpapakita sa `kin, pero sa `yo, hindi?”

Natigilan si Ezio. Napalingon sa kanyang Tito Hugh na halatang nagulat din. Nakalapit na ito sa kanila.

“Teka? Paano mong--”

“Naririnig ko ang pinag-uusapan n'yo kahit hininaan n'yo na ang boses n'yo,” humihikbi pa ring sagot ni Xeen.

Manghang napatitig na naman si Ezio sa tiyuhin. Paano? Imposibleng marinig sila ni Xeen. Bukod sa nakatutok ito sa TV at malakas ang sound niyon, sobrang hina at halos magbulungan silang magtiyo sa pag-uusap. Lalo pa nga at isa nang saradong usapin ang tungkol sa kapatid niya.

“H-how?” Halos hindi lumabas sa bibig ni Ezio ang tanong.

“Sampung beses na mas malakas ang pandinig namin kaysa sa inyong mga tao.”

ALAM ni Xeen na hilaw pa rin ang paniniwala ni Ezio sa mga pinagsasabi niya rito at kay Hugh. Pero wala na siyang pakialam doon. Mas matimbang ang concern niya sa pagkawala ng alaala nito tungkol kina Rosette at Erastus. Ang mga kuwento ni Jyle dito tungkol sa dalawa. Ibig sabihin kasi na nabura ang alaala ay nakatawid na si Erastus.

Lahat ng may kinalaman kay Erastus ay mabubura sa alaala ng mga tao, mapapalitan din ng ibang tao ang katauhang iiwan nito sa mundong iyon ng mga mortal, sa sandaling tumawid na ito sa pagbabalik sa mundo nila. Magiging komplikado kasi ang lahat kung hindi mapapalitan.

Sa bahagi niya, hindi niya alam. Maaaring kagaya ni Kroen ay hindi siya makakalimutan ng mga nakasalamuha niya dahil wala naman siyang buhay na iiwan sa mundong iyon. Ang buhay niya ay nasa Engkantasya.

Aksidente lang naman nga ang pagsulpot niya sa buhay ni Ezio. Kinukuwestiyon niya tuloy ang sarili at ang dahilan kung bakit siya nakatawid. Ano ba ang purpose niya sa malungkot na buhay ni Ezio?

Sinipat niya ang binata sa kanyang tabi. Tahimik itong nagda-drive ng itim na Fortuner. Pag-aari daw nito iyon, bigay ni Matthew nang bumalik na ito sa poder ng ama.

Ah! Life must have been tough for him. Nagrerebelde ito sa ama dahil sa sama ng loob at hindi niya ito masisisi. Pero naaawa rin siya kay Matthew dahil alam niyang biktima rin ito ng sitwasyon.

May malaking misunderstanding sa pagitan ng mag-ama, iyon ang naiisip niyang dahilan ng gap ng mga ito.

“S'an tayo pupunta, Ezio?”

Napahawak si Xeen sa sariling dibdib at pasimpleng tinapik iyon. Parang nagsisikip kasi ang kanyang paghinga. Init na init na naman ang pakiramdam niya, to the point na gustong ma-drain ng enerhiya niya. Ilang beses na siyang uminom ng tubig at hindi nagbabago ang maalinsangang pakiramdam. Parang naghahanap ng tubig ang balat niya. Gusto niyang magbabad sa tubig.

“Kay Papa, `tapos deretso tayo sa condo na tinutuluyan ko,” matipid na sagot nito.

Nag-alumpihit si Xeen sa kinauupuan. Hindi talaga siya mapakali. Hindi niya maintindihan ang pakiramdam. Gustong-gusto niyang mapreskuhan ang katawan.

“Puwede bang bumalik na lang tayo sa rest house?” alanganing tanong ni Xeen.

Kung nasa rest house siya, mas madaling pumunta ng dagat.

Yes. Parang instinct of survival. Ramdam niya na ang dagat ang kailangan niya ngayon.

“Ano'ng gagawin natin sa rest house? Kakausapin mo ang kapatid ko?” parang galit na tanong nito sa kanya.

Nagtaka naman siya. “Ano'ng masama kung kausapin ko siya?”

Nahihilo si Xeen pero pilit niyang nilabanan. Isinandal niya ang likod at ipinahinga ang ulo sa headrest. Baka mabawasan ang sama ng pakiramdam niya kung ire-relax ang sarili.

“Come on, Xeen. You are not seeing anything,” pagpipilit nito. “Imagination mo lang `yon. Kung saan mo man nalaman ang tungkol kay Lukan, hindi ko alam sa `yo. Pero imposibleng nakikita mo siya.”

“Nakikita ko nga siya. At sinabi niya sa `kin na hindi mo dapat malaman.”

“Bakit hindi ko dapat malaman?”

“Malay ko? Baka dahil nga diyan sa hindi mo naman papaniwalaan, so better na hindi mo na lang nga alam. Pero tatanungin ko pa rin siya kapag nagkita kami ulit.” Mahinang napasinghap si Xeen. Ang init ng balat niya kahit malamig ang aircon. Nauuhaw na naman ang pakiramdam niya.

Kaya kahit panay ang palatak ni Ezio sa kanyang tabi ay hindi na niya pinag-iintindi. Tumunog ang cell phone nito at mayamaya pa ay may kausap na sa kabilang linya. Lumalala naman ang pagkahilo niya. Pinagpawisan na siya ng malamig na para bang gustong lumabas ng mga fluid sa katawan niya para matulungang mapreskuhan ang kanyang balat.

“What is it, Tito... Pearl? Wala akong pearl at aanhin ko ang pearl?” Sandaling katahimikan at kapagkuwan ay bumaling si Ezio na nagtataka ang ekspresyon ng guwapong mukha.

Siya naman ay pilit kinakalma ang sarili. Parang iniihaw ang pakiramdam niya. Ang mga ugat niya, parang binabanat para lang dumaloy ang fluid doon. Pakiramdam niya ay hihinto ang kanyang mundo o maski ang kanyang paghinga anumang sandali. Hindi napigilan ni Xeen ang pag-ungol dala ng matinding hapdi na nanggagaling sa loob ng kanyang katawan. Pinigilan niya ang mapaluha dala ng matinding hapdi at kirot mula sa kanyang mga ugat. Gusto niyang iiyak iyon.

Mariing nahawakan niya ang kanyang dibdib na nagsisikip na rin. Hindi niya maintindihan kung bakit niya nararamdaman ang mga iyon. Wala naman siyang sinusuway na batas ng Engkantasya maliban sa paglalapat ng mga labi nila ni Ezio.

“Xeen! Ano'ng nangyayari sa `yo?!”

Gimbal na naihinto ni Ezio ang sasakyan sa gitna ng kalsada para inspeksiyunin siya.

“D-dagat... D-dalhin... mo ako sa... dagat!” Sumisinghap na pakiusap ni Xeen at hindi napigilan ang luha na kumawala mula sa kanyang mga mata. Sa tindi ng hapdi ng balat niya, gusto na lang niyang iiyak iyon.

Nakita niyang nanlaki ang mga mata ni Ezio habang may kung anong dinadampot mula sa kanyang leeg.

Hindi na niya naintindihan ang nangyari pa dahil nanlalabo na ang mga mata niya. Ang naalala lang ni Xeen ay umusad ang sasakyan nila.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.