Chapter FIFTY-SEVEN

“Teka, isabay na natin sina Chrisma at Luci pauwi. Magkasama kami sa bahay ni Luci, remember? At madadaanan natin ang bahay nina Chrisma kaya ihatid na muna natin siya,” ani Jing-jing.

“Kina Courtney ako uuwi ngayon, Jing, kay Cinda na ako sasabay pauwi,” tanggi ni Lucibelle.

“At susunduin naman ako ni Wayne kaya hindi na ninyo ako kailangang isabay pa. Sige na, mauna na kayo,” segunda naman ni Chrisma.

“Ako na lang ang sasabay sa inyo, Jing, Bell. Wala akong dalang sasakyan---“

“Sa amin ni Wayne ka na sumabay, Santi,” putol ni Chrisma sa paghiling ni Santi.

“Pero---“

“Huwag kang malaking hadlang sa new lovers, pwede ba, Santiago?” pagigil na angil ni Lucibelle sa kabanda na napakamot na lang sa ulo.

“Sige na, humayo na kayo at magparami, Jing, Bell!” pagtataboy ni Chrisma sa kanila ni Jing-jing.

Nang sulyapan ni Bell si Jing-jing ay napansin niyang bahagyang nabawasan ang sigla at pilyang kislap sa mga mata nito. Tila nag-aalinlangan na ito patuloy na harutin siya ngayong nalaman nitong solo pala silang magsasama pauwi sa bahay nito.

“Luci---“ magpo-protesta pa sana si Jing-jing pero pinutol na iyon ng pakikipag-beso-beso rito nina Lucibelle at Chrisma. Bahagyang itinulak pa ni Chrisma si Jing-jing palapit sa kanya.

“Halika na, Jing-jing. Bye!” muling pamamaalam ni Bell sa mga kabanda ni Jing-jing.

Hindi na hinintay pa ni Bell na magsalita o magprotesta pa si Jing-jing. Mahigpit na hinawakan na niya ang dalaga sa braso at iginiya patungo sa pinto ng bar. Kumakaway na nilingon pa muna ng dalaga ang mga kabanda at pasigaw na nagpaalam sa mga iyon. At dinig na dinig niya ang kalakip na pagbabanta sa tono ng dalaga sa mga kaibigan. Palihim siyang natawa.

Malakas lang ang loob ni Jing-jing kanina dahil akala nito ay magagamit nitong pananggalang ang mga kaibigan nito laban sa kanya. Pero inilaglag si Jing-jing nina Lucibelle at Chrisma. And for that, he was very grateful to the two women. They were obviously on his side.

Nang makalabas na sila ni Jing-jing mula sa bar, walang pasintabing bigla siya nitong sinuntok sa tiyan. Napasinghap siya. Hindi sa sakit kung hindi sa gulat. Hindi naman kasi malakas ang pagkakasuntok ng dalaga sa tiyan niya. Mas maikukumpara nga sa tapik lang ang pwersang ginamit ni Jing-jing nang patamain ang kamao sa tiyan niya. Pero bago pa niya matanong ang dalaga kung bakit ginawa nito iyon ay inunahan na siya nito sa pagsasalita.

“Ano pang hinihintay mo? Gawin mo na,” puno ng kasabikan ang tono at boses ni Jing-jing nang tingalain siya. Pinagsalikop pa nito ang mga kamay. At iniumang ang mukha sa kanya.

Nagtatakang tinignan ni Bell ang dalaga. Ano bang pinagsasabi nito? Hinahamon ba siya ng dalaga na sapakin niya ito bilang pagganti rito sa ginawa nito? Ano bang akala ng dalaga sa kanya, halimaw na gagong nananakit ng babae? Kailan ba niya ito sinaktan ng pisikal sa buong kasaysayan ng away-bati nilang relasyon?

“Ano’ng gawin ko na? Gawin ang alin?” takang untag niya sa dalaga. Naguguluhan siya. At naiinsulto. Bukod pa sa hindi makapaniwala dahil alam niyang ito ang huling babaeng papayag na basta na lang saktan ng isang lalaki.

“’Di ba sabi mo hahalikan mo ulit ako kapag sinuntok ulit kita? Ano pang hinihintay mo? Patunayan mo na ngayon na may isang salita ka, uy! Huwag kang sinungaling. Go ahead, kiss me now!” pautos ang tonong ani Jing-jing. Inginuso pa ng dalaga ang mga labi at ipinikti ang mga mata.

Nagdududang naningkit ang mga mata ni Bell habang pinagmamasdan ang dalaga. Kung hindi lang niya alam na isa iyong patibong ng dalaga sa kanya, malamang tinawid na niya ang distansya sa pagitan ng mga labi nila at hinalikan nga ulit ito. Pero nakasisiguro siyang may kapilyahang binabalak lang si Jing-jing laban sa kanya kaya siya hinahamon nito na halikan niya ito ngayon.

Hindi naman ganoon kalaki ang ego niya para paniwalain ang sarili na sa loob lang ng nakalipas na mga oras ay natuklasan ng dalaga na may gusto talaga ito sa kanya kaya gusto nito ngayon na halikan niya ito. Nang maghiwalay kasi sila kahapon ay todo tanggi pa ito sa suhestyon niyang magpanggap silang magkasintahan. Imposible namang biglang nagbago na lang bigla ang isip at damdamin nito para sa kanya sa loob ng nakalipas na beinte-kwatro oras.

“Tigilan mo na nga iyan, Jing-jing. Halika na, ihahatid na kita pauwi,” pumapalatak na aniya habang binubunot mula sa bulsa ang susi ng sasakyan niya.

“Alam mo ang labo mong kausap, Alexander Graham Bell. Akala ko ba gusto mong papaniwalain si Marie na tayo na para hindi na siya magselos sa akin at kay Darrell? Heto na nga at pumapayag na ako sa kalokohang palabas mo pero ikaw naman ngayon ang mukhang nagbago ang isip,” nakasimangot na pagbubusa ni Jing-jing habang naglalakad sila patungo sa kotse niya.

“O baka naman nagdadalawang-isip ka bigla ngayon kasi nagdududa ka talaga na baka nga may relasyon kami ni Darrell? Honestly, truthfully, frankly at sa totoo lang, kahit kailan hindi kami nagkaroon ng relasyon ni Darrell. Kahit kunwari lang o arte lang, wala talaga. Si Marie lang naman ang loka-lokang nagkukulay ng kung ano-ano sa pagkakaibigan namin ni Darrell. Feeling yata ng praning mong kapatid, kahawig ni Piolo Pascual o kaya ni Derek Ramsey si Darrell,” dugtong pa ni Jing-jing.

Ipinagbukas ni Bell ng pinto ng kotse niya si Jing-jing. Pero bago niya isara ang pinto ay naka-arko ang mga kilay na inusisa niya ang dalaga.

“So what you’re saying is you’ve never been attracted to Darrell? Not even when you were in highschool?”

Kahit tumanggi si Jing-jing ngayon ay hindi siya maniniwala sa dalaga. Dahil sa kadaldalan at pagiging usisero ni Ace, natuklasan nito na naging crush pala ni Jing-jing si Darrell noon. At dahil matalik na magkaibigan sila ni Ace, natural na nabanggit din ni Ace sa kanya iyon noon. And that was also partly the reason why he would never really like that asshole Darrell.

Biglang napuno ng pagdududa ang anyo ni Jing-jing nang lingunin siya.

“Sinasabi ko na nga ba! Napakatsismosa talaga ni Kuya Ace! Sinabi niya sa iyo na crush ko si Darrell noon, ano?!”

“Yeah. At iyan ang gusto kong linawin ngayon. Sigurado ka ba talagang wala ka nang gusto kay Darrell? Malapit pa rin kayo sa isa’t isa. Madalas pa rin kayong nag-uusap at nagkikita. At kapag magka-away sila ni Marie, sa iyo siya laging pumupunta. Isa pa iyon sa mga rason kung bakit nagseselos sa iyo si Marie. Dahil ikaw ang madalas kinakausap ni Darrell kapag nag-aaway sila ni Marie,” kunot-noong wika ni Bell.

“Natural! Magkaibigan kami eh. At hindi ko na problema kung likas na selosa si Marie na kahit maliit na bagay na lang pinapalaki pa niya. Alangan namang hindi ko na kausapin forever si Darrell? Kung tutuusin, mas matagal ko nang kilala si Darrell. Mas nauna kaming naging magkaibigan bago naging sila ni Marie. Isipin mo nga kung patas bang layuan ako ni Darrell dahil lang sa wala sa lugar na pagseselos ni Marie?” katwiran ni Jing-jing.

Napatiim-bagang si Bell at napahigpit ang pagkakahawak sa susi sa kamay niya. Tinitigan niya si Jing-jing at diretsong sinalubong ang mga mata ng dalaga. Gusto niyang arukin at basahin ang nilalaman ng kalooban ng dalaga.

Sa kung anong dahilan ay bigla siyang kinabahan ang nangamba. Paano nga kung may basehan pala ang pagseselos ni Marie?

Sa tagal ng pagkakakilala nina Jing-jing at Darrell, marahil hindi lang gaanong napansin ng dalawa na posibleng hindi na pala basta simpleng pagkakaibigan lang ang damdamin ng mga ito para sa isa’t isa. Posibleng kapwa itinatanggi ng mga ito ang nadarama dahil ayaw ng mga itong masira ang pagkakaibigan ng mga ito.

Maaaring natuklasan lang nina Jing-jing at Darrell ang damdamin ng mga ito para sa isa’t isa noong pumasok na sa eksena si Marie. At huli na para aminin ng mga ito ang damdamin para sa isa’t isa dahil nariyan na si Marie.

Habang minamasdan ni Bell ang pagkalat ng pagtataka sa anyo ni Jing-jng dahil sa matamang pagmamasid niya sa dalaga, lalong sumidhi ang naisin niyang hulihin ang loob ng dalaga. Hindi naman siya bulag para hindi mahuli ang atraksyong nadarama rin nito para sa kanya pero pilit nitong ikinukubli sa kanya.

Maaari niyang akitin ito nang sa gayon ay tuluyan nang mabaling sa kanya ang atensyon nito. Unti-unting ilalayo niya ito kay Darrell. Hindi lang para sa kapatid niya. Pero para na rin pagbigyan ang atraksyong matagal na niyang nadarama para kay Jing-jing.

Jing-jing was now twenty-three. She was old enough and matured enough to make decisions for herself. She wasn’t eighteen anymore. Kaya siguro naman, mauunawaan na ni Ace kung kakalimutan niya ang babala nito sa kanya noong una nitong matuklasan ang atraksyong nararamdaman niya para sa kapatid nito.

Limang taon na ang lumipas mula nang bigyan siya ni Ace ng babala na tatapusin nito hindi lang ang pagkakaibigan nila kung hindi maging ang buhay niya kung liligawan niya si Jing-jing. It was hard to forget and ignore his budding attraction and feelings for Jing-jing back then. But he knew that Ace was right. Kuya rin siya kaya nauunawaan niya kung saan nanggagaling si Ace. Kaya kahit mahirap ay pinilit niyang itago, burahin at kalimutan ang nadarama niya para kay Jing-jing noon.

Pinilit niyang ibaling sa ibang babae ang atensyon at oras niya. For a time, he thought he succeeded. Nagkaroon pa nga siya ng seryosong relasyon. Pero sa huli, hindi rin nagtagal iyon dahil nahalata ng dating nobya niya na hindi niya ito mahal talaga.

Aaminin niya, parte ng dahilan kung bakit niligawan niya ang ex-girlfriend ni Ace na si Irma noon ay dahil gusto niyang makaganti sa kaibigan. Gusto niyang makabawi sa paghadlang nito sa damdamin niya para kay Jing-jing noon. Oo nga at opisyal nang hiwalay sina Ace at Irma bago pa siya pumasok sa eksena pero bahagi ng bro code na hindi mo na dapat ligawan pa ang ex ng kaibigan mo. Pero na-guilty rin naman agad siya sa ginawa kaya inamin niya agad ang totoo kay Irma. Hindi patas na ang dalaga ang gamitin at saktan niya dahil sa galit o pagtatampo niya sa matalik na kaibigan.

But then Irma later admitted that she wasn’t really attracted to him. Mahal pa rin daw ni Irma si Ace at gusto lang ni Irma na makita kung magseselos si Ace kaya siya sinagot ng dalaga. Naawa naman siya sa dalaga dahil sa malas, hindi nagselos si Ace. At alam niya kung bakit. Dahil nang mga panahong iyon, may iba nang babaeng nagugustuhan si Ace. At ang babaeng iyon ang dahilan kung bakit nakipaghiwalay si Ace kay Irma in the first place.

Kaya lang bahagyang lumamig ang pakikitungo ni Ace sa kanya noong sila pa ni Irma ay dahil naiilang at nagi-guilty si Ace na makaharap si Irma. Si Irma ang mas iniiwasan ni Ace at hindi siya. Hindi nagalit sa kanya si Ace sa panliligaw niya sa ex nito. Ang totoo, pinasalamatan pa nga siya ni Ace dahil kahit papaano raw, nabawasan ang guilt nito sa pakikipaghiwalay kay Irma dahil naroon siya para saluhin at alalayan ang dalaga.

Sa huli, wala ring silbi ang inisyal na plano niyang gantihan si Ace dahil balewala na kay Ace si Irma. Hindi nagtagal ay kapwa rin nila ipinasya ni Irma na tapusin na ang relasyon nilang nagsimula dahil sa kagustuhan nilang saktan si Ace. They parted as friends in the end. At nagbalik na rin sa dati ang pagkakaibigan nila ni Ace.

“Uy! Ano nang nangyari sa iyo? Bakit ganyan ka makatingin sa akin? Huwag mong sabihing nahawa ka na rin kay Marie at nagdududa ka pa rin talaga sa relasyon namin ni Darrell?!” pukaw ni Jing-jing sa kanya.

Ipinitik pa ng dalaga ang mga daliri sa tapat ng mukha niya. Kumurap si Bell saka bumuntung-hininga.

“No. I believe you,” aniya.

Pero hindi niya maiwasang itanong sa sarili kung pinaniniwalaan nga ba talaga niya ang dalaga o wishful thinking lang ang sagot niya?

*******

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.