Chapter FIFTY-EIGHT

“Mabuti naman. Ano na ang plano? Basta na lang ba nating sasabihin kina Marie na tayo na o hahayaan nating makarating sa kanila ang tsismis bago natin sabihin?” untag ni Jing-jing nang buhayin ni Bell ang makina ng sasakyan.

Itinakip niya ang isang kamay sa bibig at humikab. Lampas alas-tres na ng madaling-araw. Pagod na siya at medyo tipsy dahil nakainom din siya. Minsan nag-iinom sila ng banda tuwing break ng bawat set sa show nila tulad ng ginawa nila kanina. Pero nitong mga huling buwan, hindi na ganoon kadalas mangyari iyon. Hindi tulad noong nagsisimula pa lang silang tumugtog sa mga bars ng band

aniya. Halos gabi-gabi talaga noon ay nag-iinom sila.

“Magdi-dinner tayo bukas sa bahay para tayo na mismo ang magsabi sa kanila. Kung sa iba pa nila malalaman, baka maling balita pa makarating sa kanila. Bukod kina Chrisma at Lucibelle, may iba ka pa bang pinagsabihan na peke lang ang relasyon natin?” seryosong tanong ni Bell.

Malawak ang kalsada. Halos wala na silang mga kasabay na sasakyan. Pero imbes na paharurutin ang kotse nito tulad ng madalas na natutukso siyang gawin kapag nagmamaneho siya ng madaling-araw, maingat kalkulado pa rin magmaneho si Bell. Hindi gaanong mabagal, hindi gaanong mabilis. At kahit wala namang dumaraan paghinto nila sa tapat ng stoplight na nakapula, hindi nito pinaabante ang sasakyan.

Ulirang mamamayan ang binata. Gustuhin man niya itong udyukan na dedmahin ang stoplight tutal wala namang ibang sasakyan at wala rin namang nakakalat na traffic enforcer, hindi niya ginawa. Natitiyak kasi niyang pupukulin lang siya nito ng nayayamot na tingin kapag ginawa niya iyon. Hindi naman niya masasabing good boy talaga ito hanggang sa bone marrow nito dahil minsan, may pagkasutil numero uno rin ito. Pero basta tungkol sa kaligtasan sa daan ang pinag-uusapan, maingat at disiplinado ito. Siguro dahil noong eighteen pa lang ito ay namatay sa aksidente sa kalsada ang tatay nito. Lasing na lasing ang ama ni Bell na si Matt Andrews nang mabundol ng rumaragasang truck nang bigla itong tumawid sa kalsada. Ayon sa mga nakasaksi, kasalanan diumano ni Matt Andrews ang pagkasawi nito dahil bigla na lang itong tumawid kahit nakita na nito ang paparating na truck. Sinubukan ng driver na magpreno pero dahil nga biglaan ang pagtawid ni Matt Andrews, huli na para kumapit pa ang break ng truck.

Ang mas masakit pa roon para kay Bell, kagagaling lang ng ama nito sa bahay ni Lola Josephine upang humingi ng tawad kina Bell at Marie sa pag-abandona ng lalaki sa magkapatid noong mga bata pa ang mga ito. Dala ng sama ng loob ni Bell sa ama, itinaboy ni Bell ang ama at hindi tinanggap ang paghingi niyon ng tawad. Kaya naman labis ang pagdalamhati at pagsisisi ni Bell noon.

Nalaman ni Jing-jing ang lahat ng iyon dahil siya mismo ang kinwentuhan at iniyakan ni Bell noon. Fourteen lang siya noon pero hanggang ngayon tandang-tanda pa niya kung paanong parang sanggol na pumalahaw ng iyak si Bell habang yakap-yakap niya. Nasa hardin sila noon ng bahay nina Bell. At araw iyon ng libing ng ama nito. Buong akala niya noon ay pusong bato ang binatilyo dahil ni hindi niya nakikitang namumugto ang mga mata nito sa buong durasyon ng burol ng ama nito. Pero pilit lang palang tinitimpi at ikinukubli ni Bell ang pagdurusa at pagsisisi nito. It was one of those few times when they weren’t enemies but friends.

“Jing-jing? Gising ka pa ba?” untag ni Bell na sinulyapan siya dahil sa tagal niya marahil na sumagot sa tanong nito.

“Oo, gising ako. wala na akong ibang sinabihan. Sina Chrisma at Luci---teka! Paano mo nalaman na sinabi ko kina Luci at Chrisma ang totoo?” pagtataka niya.

“Sila ang kasama mo sa bahay, imposible namang hindi nila malaman na bago ang linggong ito ay hindi naman tayo madalas magkita at mag-usap tulad ng palalabasin natin kina Marie.”

“Kunsabagay. So, paano nga ang gagawin natin? Saka ano’ng sasabihin ko kina Kuya? Alam ba ni Kuya Ace ang totoo? Hindi ba siya magtataka o magdududa? Madalas kayong magkita, di ba?”

“Hindi. Ako nang bahala sa kuya mo. Maniniwala iyon sa atin. Bukod kina Chrisma at Luci, wala ka nang iba pang pwedeng pagsabihan ng totoo---“

“Ay, teka, alam din pala ni Marymae. Nabanggit ko kasi sa kanya kanina,” medyo napangiwing pag-amin niya.

Eksasperadong napabuga ng hangin si Bell.

“Sino pang ibang nakakaalam? ‘Yung guard sa subdivision? ‘Yung tindera sa kanto? Ianunsyo na lang kaya naytin sa radyo?” sarkastikong anito. “Ano’ng silbi ng pagpapanggap natin kung alam na pala ng lahat?”

“Hindi naman lahat, tatlo lang bukod sa ating dalawa at sa kung sino pang sinabihan mo.”

“Wala akong ibang sinabihan dahil ang punto nga dito, papaniwalain si Marie na totoo ang relasyon natin. May isa lang madulas sa mga sinabihan mo kakalat na ang sikreto.”

“Okay, okay, fine. Kasalanan ko na. Pero may tiwala ako sa pinsan ko at sa mga kaibigan ko. Walang magsasalita sa mga iyon. Anyway, hanggang kailan naman tayo magpapanggap?”

“Hanggang maniwala si Marie na wala kayong relasyon ni Darrell.”

“Teka, teka, malabo iyon. Paano kung never ever na siya maniwala? Malakas ang tagas sa utak ng sisterette mo, posibleng forever and ever na akong pagselosan niyon. Ano, forever na rin tayong pekeng mag-on?! Aba, hindi naman pwede iyon. Paano ako magkaka-love life kung pekeng boyfriend kita?! Paano ako maliligawan ng ibang boys kung ang alam nila boyfriend kita?” apela niya. Pero ang totoo, nais lang niyang tantiyahin at alamin kung ano ang magiging reaksyon nito.

“Simple lang, huwag kang magpaligaw sa iba. Tutal nandito naman na ako, kung ano’ng ginagawa ng totoong boyfriend, sa akin mo ipaggawa.”

“Okay ka lang? paano kung gusto kong mahalin mo ako? Iyon ang unang-unang requirement ng isang boyfriend, hindi ba? Mahalin ang girlfriend nila.”

Biglang napangisi si Bell. “Well, I can show you physical love anytime you want, Jing darling. I’ll make love to you anytime, anywhere. Just say the word.”

“Sarap mong sapakin. Seryoso ako, Bell! Atas lang ng pagmamalasakit ko sa future baby nina Darrell at Marie kaya ako pumapayag sa kalokohang pekeng relasyon na ito. Kung para kay Marie lang ito, hindi ko gagawin ito. Kaya magbigay ka ng matinong deadline sa palabas na ito kung hindi aatras ako sa usapang ito.”

Sumeryoso naman si Bell. Sinulyapan siya nito bago muling ibinalik ang tingin sa daan. Napansin niya ang biglang paghigpit ng kamay nitong nakahawak sa manibela. Bumuntung-hininga ito.

“Alright. Hanggang sa maikasal sila sa January. Siguro naman mapapanatag na ang loob ni Marie kapag kasal na sila. Kaya lang naman siya nagseselos ay dahil iniisip niyang baka umatras sa kasal nila si Darrell lalo na ngayong buntis na siya. Pakiramdam niya napipilitan lang si Darrell na pakasalan siya dahil sa bata.”

“Hanggang January lang? Pero December na next week!” bulalas niya. Ibig sabihin mahigit isang buwan lang silang magpapanggap?! Bakit ang bilis naman! Sapat na ba ang panahon na iyon para tuluyan niyang maakit at mapaibig si Bell?!

Bahagyang umarko ang mga kilay ni Bell pero hindi tumingin sa kanya. Bahagyang tumaas rin ang isang sulok ng mga labi nito na para bang nagpipigil ng tawa.

“Kung aaminin mo na lang kasi na may gusto ka na sa akin matagal na, hindi na natin kailangang magpanggap pa, Jing-jing. Hindi na rin natin kailangang magkunwaring mag-break sa kunwaring relasyon natin kung aamin ka na sa totoong damdamin mo para sa akin. Hey, you won’t even have to woo me. Sasagutin na agad kita ngayong gabi mismo,” nanunudyo ang tonong anito.

Inismiran niya ito. Hati ang kalooban niya sa pagitan ng kagustuhang kutusan ito at yapusin ang leeg nito bago pupugin ng halik ang tila pagwapo ng pagwapong mukha nito.

“Huwag mong baligtarin ang sitwasyon, Alexasar Gagong Bell. Ikaw ang may gusto sa akin at paraan mo lang ang kunwaring relasyon na ito para mapalapit ka sa akin. umamin ka na. Huwag kang mag-alala---“

“Bakit? Sasagutin mo rin agad ako?”

“Hah! Asa ka! Huwag kang mag-alala dahil babastedin agad kita para hindi na tumagal pa paghihirap mo!”

“Kung magsalita ka parang pila-pila ang nanliligaw sa iyo at pwede kang mambasted na lang basta ng ganito kagwapo at kamachong lalaki,” nang-aasar ang tonong anito. Ihininto nito ang kotse sa parking space na nakalaan para sa mga bisita sa condo building niya.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.