“Ang ganda ko kaya, hindi lang obvious na marami akong manliligaw dahil binabasted ko na agad sila pag hindi ko type. Ayoko lang silang paasahin sa wala.”
Bumaba si Bell at lumigid patungo sa passenger’s seat upang ipagbukas siya ng pinto.
“Salamat. Huwag mo na akong ihatid hanggang loob. Umuwi ka na---“
Nangunot ang noo nito at bahagyang nanulis ang nguso. Parang batang biglang inagawan ng laruan at nagtatampo. He looked so damned cute and adorable. Nangangati tuloy ang kamay niya na pisilin ang mukha nito. O kaya ay hagipin ng halik ang nanunulis nitong nguso.
“Hindi ka man lang mag-aalok ng kape? Sinadya ko pang gumising ng ganitong oras para lang sunduin ka. The least you could do is offer me coffee para naman hindi ako antukin sa biyahe pauwi.”
“Aba, sino ba kasing nagsabi sa iyo na sunduin mo ako?” arko ang mga kilay na aniya rito.
Pero naawa naman siya dahil mukhang nagsisimula na ngang mamungay ang mga mata nito. At ngayong matamang pinagmamasdan niya ito, napansin niya na hindi gaanong pulido ang pagkakapusod nito sa mahabang buhok nito. It wasn’t his usual neat and tidy man bun.
Parang nakatulog na ito kaya nagulo ang buhok. Kundi ba naman kasi ito sira, hindi naman siya nito kailangang sunduin ngayong gabi. Hindi naman makikita ni Marie ang pagsundo nito sa kanya ngayon. Pero sa kabilang banda, naipakita nito kina Santi at Cinda ang pagtitiyaga nitong sunduin siya ng dis oras ng gabi. Sapat na patunay na nobyo nga niya ito.
“Fine. I’ll go---“
“Halika na nga, magkape ka muna. Konsensya ko pa kapag nadisgrasya ka.”
Pagdating nila sa loob ng condo unit niya ay dumiretso siya sa kusina upang itimpla ng kape si Bell. Akala niya susunod ang binata sa kanya pero nanatili ito sa sala. Saglit niyang iniwan ang pinapakulong mainit na tubig sa takuri upang tignan kung ano ang ginagawa ng binata. Nadatnan niya itong nakatayo sa harap ng Christmas tree na nakatayo sa sulok ng living room nila. Iginagala rin nito ang namamanghang tingin sa buong bahay nila na mistulang tindahan na ng mga Christmas decorations dahil sa dami ng ipinagsasabit na mga dekorasyon ni Lucibelle.
Bawat pinto ng mga silid sa loob ng unit ay mayroong nakasabit na mga Christmas wreaths at mistletoes. Hindi nga lang sinlaki ng wreath na nakasabit doon sa front door. May malalaking silver bells pa na nakasabit sa door knobs ng bawat pinto kaya sa bawat pagbukas niyon ay tumutunog ang mga bells. Sa pinakasulok ng living room ay nakatayo ang isang five-foot tall na Christmas tree. Ang paanan niyon ay siksik sa mga regalo. Sa halip naman na TV ang nakalagay sa entertainment rack, isang nativity set ang naroon. Katabi niyon ang isang Christmas village na kumpleto sa train set, artificial snow at maliliit na pine branches.
Sa mga dingding naman ay iba’t ibang sizes ng Christmas stockings ang nakadikit. Habang sari-saring snow globes, pillar candles, Santa Claus figurines, angels, Santa hats, glitter snowflakes ornaments naman ang nakapatong sa coffee table, side tables, drawers at console table. Pati throw pillows sa sofa at arm chairs ay mistulang mga gift-wrapped presents ang cover.
Mistulang pinakyaw ni Lucibelle lahat ng itinitindang Christmas decors sa mga mall at dinala rito sa bahay nila. Well, okay, aaminin niya, thirty percent ng mga dekorasyon doon ay siya ang namili at nagsabit. Thirty percent lang dahil tulad ng madalas niyang ginagawa taon-taon, sa bahay ng pamilya niya siya magdiriwang ng Pasko. Kaya ang seventy percent pa ng effort at pagod niya ay inilaan niya sa pagdedekorasyon sa bahay ng pamilya niya.
“Ayaw ninyo sa Pasko ha,” natatawang komento ni Bell.
“Si Luci ang salarin diyan. Ako, favorite ko lang ang Pasko. Pero siya adik sa Pasko,” aniya na hinawakan ang kamay ng binata at hinila ito patungo sa kitchen slash dining room nila. “Pati kusina at dining room namin hindi niya pinatawad. Look!”
Tulad sa living room ay tinadtad din ni Lucibelle ng Christmas decorations ang kusina at diing room nila. May Christmas ornaments na nakasabit sa mga handles ng mga kitchen cabinets at kitchen drawer. Ang hawakan ng refrigerator ay may nakasabit na maliliit na silver bells. Ang mga ref magnets ay reindeers at angels. Sa gitna ng dining table ay naroon ang isang malaking wooden platter na mayroong potted candle sa gitna at napapaligiran mga fir cones, red and green bows, cinnamon sticks at fake ivy leaves. Sa bawat sandalan naman ng mga upuan ay may nakasabit na Santa hats.
“Wow! Adik nga siya, kailangan nang ipa-rehab,” komento ni Bell.
“Saan nga pala kayo magpa-Pasko ngayong taon? Last year sa Baguio kayo nag-Pasko, ‘di ba? Doon din ba ulit kayo magpa-Pasko ngayon?” usisa niya sa binata habang isinasalin sa isang mug ang mainit na tubig mula sa takuri.
May mga kamag-anak sa Baguio sina Bell. At every other year ay doon nagdiriwang ng Pasko ang pamilya nito.
“Sina Lola Josephine at Marie siguro, oo. Ako, depende sa iyo.”
“Ano’ng depende sa akin?” kunot-noong lingon niya sa binata.
Nabitin sa ere ang ini-scoop niyang instant coffee na akmang ilalagay na niya sa mug sa nakita niyang mainit na pagtitig ng binata sa kanya. Lumapit sa kanya si Bell at itinukod ang mga kamay nito ibabaw ng kitchen counter sa magkabilang gilid niya. Pagkuwan ay marahang pinihit siya nito paharap dito. Nahigit niya ang hininga at tuluyan nang nabitiwan ang hawak na kutsarita. Mistulang lumiit ang mundo niya. Para siyang kinulangan sa oxygen. Lalo na nang tumungo si Bell upang idikit ang noo sa noo niya.
“Depende kung saan mo gustong i-celebrate ang Christmas. Kung sa bahay ninyo kasama ang mga kuya mo, natural bilang boyfriend mo, doon ko rin isi-celebrate ang Pasko. Kung gusto mo naman, pwede rin tayong sumama kina Lola Josephine papunta sa bahay nina Auntie Delia sa Baguio para maipakilala na rin kita sa mga kamag-anak namin roon,” saad nito.
“Bell...” anas niya na kalahati lang ng sinabi nito ang naunawaan. Mas natuon na kasi ang atensyon niya sa mga labi nitong ilang sentimetro na lang ang layo sa mga labi niya. Ano pa bang hinihintay nito? Bakit ayaw pa nitong halikan siya?
“Jing?”
“Hmm?”
“Lalamig na ang mainit na tubig, lagyan mo na ng kape.”
Napakurap-kurap si Jing-jing. Nang dumiretso ng tayo si Bell at umatras palayo sa kanya ay saka niya nakita ang malawak na ngisi nito. Nangingislap din sa kapilyuhan ang mga asul na mata nito. Hindi mahirap hulaang alam nito kung ano ang tumatakbo sa isip niya at labis nitong ikinaka-aliw iyon.
“Magtimpla ka ng kape mag-isa mo!” angil niya rito. Saka nagdadabog na lumabas ng kusina at pumasok sa kwarto niya. Pabalibag na isinara niya nag pinto ng kwarto niya at ini-lock iyon. Kumatok si Bell sa pinto.
“Jing! Hey! Don’t be mad, Jing darling. Lumabas ka na diyan. If you really want to kiss me I won’t stop you, you know?” ang halatang natatawa pa ring tawag ni Bell sa kanya.
“Umuwi ka na! I-lock mo ang pinto paglabas mo!”
“Hindi ako aalis dito hanggat hindi ka lumalabas!”
“Eh ‘di huwag! Matutulog na ko! Goodnight and goodbye!”
“Goodnight! Sweet dreams!”
Idinikit ni Jing-jing ang tainga sa pinto. Pinapakinggan niya ang ingay ng pagbukas at pagsara ng front door ng unit niya. Pero hindi iyon ang narinig niya. Sa halip tila tumigil sa sala ang mga yabag ni Bell at doon huminto. Nagpalipas pa muna siya ng ilang minuto bago niya binuksan ang pinto ng kwarto niya at lumabas sa sala.
Para lang mapatda nang makita niyang nakahiga sa sofa si Bell. Inunan nito ang ilang throw pillows at bagaman ilang minuto pa lang ang lumilipas, mukhang himbing na himbing na ito sa pagtulog. Nilapitan niya ito para gisingin. Pero sa huli, nakonsensya naman siyang paalisin ito gayong mukhang antok na antok na nga talaga ito. Pumasok siyang muli sa kwarto niya at ikinuha ito ng kumot sa closet niya.
Lumuhod siya sa tabi ng sofa at pinagmasdan ang gwapong mukha ng nahihinmbing na binata. Maingat na kinumutan niya ang binata. Masuyong hinagod niya ang ilang hibla ng buhok na tumabing sa noo nito saka niya dahan-dahang inalis ang tali ng buhok nito.
Mahinang napaungol si Bell at kumilos. Napigil niya ang hininga at nabitin sa ere ang kamay niyang akmang hahaplos sana sa pisngi nito. Pero hindi naman nagmulat ng mata si Bell. Pumaling lang pakabila ang mukha nito.
“You’re confusing me, Alexander Graham Bell. Ano ba talaga ang binabalak mo?” paanas na untag niya sa natutulog na binata. Maya-maya ay tumayo na siya at bumalik sa silid niya.