“Mmm...sarap! Pwede ka nang mag-asawa!” pabirong papuri ni Jing-jing nang tikman ang sauce ng seafood pasta na iniluto ni Bell.
They were having a candlelit dinner inside the beautiful gazebo at the center of the garden of his house. Pang-apat na beses ng punta niya iyon roon bilang ‘girlfriend’ ni Bell. Pero tulad noong unang gabi na magdi-dinner sana sila kasama sina Darrell at Marie, silang dalawa lang na naman ni Bell ang nagdi-dinner ngayon. May movie date pala kasi sina Darrell at Marie.
Samantalang si Lola Jospehine naman ay nag-ballroom dancing kasama ang mga amiga nito. Pinagalitan pa nga ni Lola Josephine si Bell dahil hindi raw sinabihan agad ng binata ang matanda na darating pala siya. Sana raw naipalipat ni Lola Josephine sa ibang araw ang pakikipagkita sa mga amiga nito. Kung si Marie ay medyo malamig pa rin ang pakikipagharap sa kanya kahit paniwala nito ay hindi na siya banta sa relasyon nito kay Darrell, kabaligtaran naman ni Marie si Lola Josephine. Dahil kulang na lang sabitan siya ng sampaguita sa leeg ni Lola Josephine sa labis na pasasalamat at katuwaan nang malamang magkasintahan na sila ni Bell. Matagal na raw hinihiling iyon ni Lola Josephine. Dahil matagal na raw nitong alam na mahal siya ni Bell.
Lalo na raw nang makita ni Lola Josephine kung paanong taon-taon ay hindi raw nakakalimot si Bell na ipag-bake siya ng paborito niyang ube-macapuno cake tuwing birthday niya at tuwing Pasko. Ayaw lang daw ipaalam ni Bell sa kanya noon na ang binata mismo at hindi si Lola Josephine ang nagbi-bake ng ube-macapuno cake na pinakihihintay niyang matanggap tuwing birthday niya at Pasko.
Sa puntong iyon ay hindi siya agad nakahuma. Lalo na nang imbes na mag-iwas ng tingin ay seryoso ang anyo na sinalubong ni Bell ang tingin niya. Makahulugan ang titig ng binata sa kanya. Para bang sinasabi sa kanya ng mga asul nitong mata na totoo ang sapantaha ni Lola Josephine at hindi imahinasyon lang ng matanda.
“Ikaw? Ikaw ang nagbi-bake ng ube-macapuno cakes ko?” untag niya kay Bell.
Tumango lang ito bilang tugon. Tila nag-aalinlangan at nangangamba ang anyo nito. Para bang iniisip nito na hindi niya ikatutuwa ang nalaman. At tama ito. Hindi nga niya ikinatuwa iyon. Salubong ang kilay na marahang tinampal niya ito sa matipunong dibdib nito.
“Ikaw naman pala ang nagbi-bake nun, bakit hindi mo inamin agad? ‘Di sana noon pa ako nag-request sa iyo na i-bake mo ako niyon linggo-linggo imbes na birthdays ko lang at tuwing Pasko. Nahihiya lang akong pagurin si Lola Josephine kaya hindi ako makapag-requst ng ganun sa kanya. Pero dahil ikaw pala ang aking baker king, mula ngayon linggo-linggo ko nang hihintayin ang ube-macapuno cake ko ha?” aniya sa binata.
Hindi pa siya handang harapin at himayin ang ibig sabihin ng lahat ng ipinagtapat ni Lola Josephine kaay idinaan na lang niya sa biro ang sagot niya. It was too good to be true. At natatakot siyang paniwalaan iyon para lang sa huli, madismaya dahil malalaman niyang umaarte lang pala si Bell bilang bahagi pa rin ng palabas nila. Kung sinabi siguro iyon ni Bell mismo sa kanya o kaya ay wala si Lola Josephine bilang audience ng palabas nila, posible pang maniwala siya kahit katiting. Pero hindi nga ganoon ang nangyari kaya hindi niya maggawang makumbinsing totoo iyon sa parte ng binata.
Maaari naman kasing ipinagbi-bake lang siya nito bilang pagsunod sa kagustuhan ni Lola Josephine. At si Lola Josephine lang ang nagbigay ng kung anumang romantikong kahulugan doon.
Iiling-iling na napahalakhak lang si Bell bilang tugon sa sinabi niya. Kinabig siya nito sa leeg at pagigil na diniinan ng halik ang tuktok ng ulo niya. Bakas ang katuwaan sa mukha na tahimik na pinagmasdan lang sila ni Lola Josephine.
“Balik tayo sa tanong ko sa iyo kanina. Ano nga ang pangarap mo noong bata ka pa?” untag niya kay Bell ngayon.
Sinulyapan siya ng binata at tinapos muna ang pagsasalin ng wine sa mga wineglasses nila bago ito sumagot.
“Don’t laugh, okay?”
“Sure.”
“I wanted to be in a band. Gusto kong maging musician noon. Noong highschool ako, member ako ng choir sa school namin. Sinubukan ko rin noon bumuo ng banda kasama ang mga kaibigan ko noon. Pero pagka-graduate namin ng highschool nagkawatak-watak na rin kami.”
“Ay, oo! Naalala ko ‘yun! Ano nga ulit ‘yung pangalan nung banda ninyo noon? Planet something!”
“Planet Juno. Naalala mo pa iyon?”
“Oo naman. Actually, ikaw at ang banda mo ang dahilan kung bakit ginusto kong matutong tumugtog ng keyboards noon. Gusto kong sumali sa inyo noon.”
Natatawang napailing si Bell.
“What happened? Bakit hindi mo naisipang bumuo ulit ng banda noong nasa college ka na?” usisa niya.
“Sorry, it’s my turn to ask questions now. Kanina ka pa tanong ng tanong sa akin,” iling ni Bell sa halip na sagutin siya.
“Okay, fine!” kibit-balikat niya.
Inilapag ni Bell ang hawak na fork at tinitigan siya ng diretso habang may binubunot mula sa bulsa nito. At nang ilabas nito ang isang diamond and sapphire ring ay dagling nanlaki ang mga mata niya. Gilalas na napasinghap siya at napaangat ng tingin. Halos malusaw siya sa matiim nitong pagtitig sa kanya.
“Bell!” sambit niya.
“You heard what Lola Josephine said, Jing-jing. And I think it’s time to end the charade, don’t you think? I want you to be my real girlfriend. I’ve wanted that for years. Funny thing was, most of the people around us knew that. Kaya walang gaanong nagulat nang sabihin nating tayo na. Ikaw na lang yata ang hindi nakaka-alam.”
“Bell?” anas niya.
Ginagap ng binata ang kaliwang kamay niya.
“This was my mom’s ring. I want you to have it and---“
Mabilis niyang binawi ang kamay at marahas na tumayo. Parang biglang sumikip ang damit niya. Pinangangapusan siya ng hininga. Natatarantang iginala niya ang tingin sa paligid. Was any of this real?! Or was she just dreaming?!
Tumindig rin si Bell at humakbang palapit sa kanya. Pero itinaas niya ang isang kamay para pigilan ito sa tangka nitong pag-abot muli sa kamay niya.
“No! Bell! Teka lang! Ano bang sinasabi mo?!” malakas na aniya sa lalaki. “Hindi magandang biro ito, Bell!”
“Mahal kita! Mahal kita! Mahal kita! I’ve been in love with you for so long I can’t even remember when I first started to feel like this! Ano bang dapat kong gawin para maniwala kang mahal kita, Jing-jing? Sabihin mo kung ano’ng gusto mong gawin ko!” mariing saad ni Bell.
“Paano kita paniniwalaan, Bell? Ang dali-dali lang magsabi ng ‘Mahal kita’ lalo na kung ang pakay mo lang ay paibigin ako para tuluyan akong mailayo kay Darrell! Paano mo nasasabing matagal mo na akong mahal kung kahit kailan hindi mo naman sinubukang ipakita sa akin iyon?”
“I tried to show you, Jing-jing, but you were just too blind to see it! Ikaw ang nagbulag-bulagan sa nararamdaman ko kaya ilang Pasko na ang dumaan, nasa Chapter One pa rin ang relasyon natin hanggang ngayon!”
“Ako pa ang bulag?! Kailan mo ba ipinakitang may gusto ka sa akin? Tuwing inaasar mo ako? Tuwing nagkokompetensya tayo? Tuwing mas pinaniniwalaan mo si Marie kapag nagsusumbong siya ng mga kasalanan ko kuno sa kanya?” paasik na aniya rito.
“Tuwing para akong asong turuan na isang tawag mo lang, isang text mo lang pupunta agad sa kung nasaan ka man para gawin ang gusto mong gawin ko para sa iyo. Tuwing sinusubukan kong ipakita sa iyo na hindi na ako ang pilyong batang laging nanunukso sa iyo noong mga bata pa tayo.
“At nang sumugal ako at sabihin sa iyong kailangan nating magpanggap na magnobyo para maniwala si Marie na hindi ka interesado kay Darrell. I love my sister, Jing-jing. Pero kung talagang kaaway ang tingin ko sa iyo, sa tingin mo gagawin ko ang kalokohang palabas na ito? I did it because I wanted to be with you!”
Natigilan si Jing-jing. Totoo ang sinabi ni Bell. Kahit madalas parang aso’t pusa sila ng binata, isang tawag lang niya rito, isang text lang niya rito kapag kailangan iya ito, kahit nasaan pa ito, hindi pupwedeng hindi ito pupunta sa kinaroroonan niya para tulungan siya. Sure, he’d complain and tease her about it but he would always do what she asked him to do. Kaya nga minsan ang binata ang mas gusto niyang hingan ng tulong kaysa isa sa mga kuya niya. Dahil gagawin muna ni Bell ang hinihiling niya bago ito umangal o mang-asar. Hindi tulad ng mga kuya niya na sesermunan muna siya at iinterogahin bago siya puntahan.
“Alam kong hindi mo ako mahal, Jing-jing. Pero hayaan mo akong turuan kang mahalin ako. At kung sa huli hindi mo pa rin kayang mahalin ako, hindi kita pipigilang iwan ako. Gusto ko lang maamin ng diretso sa iyo ang nararamdaman ko,” may himig na ng pakikiusap ang tono ni Bell sa pagkakataong iyon.
Nagtagisan ang mga mata nila. Kapwa pilit inaarok, inaalam at sinasaliksik ang bawat hulma ng ekspresyon sa mukh ang isa’t isa. Siya dahil sa paghahanap niya ng pruweba na nagsasabi ito ng totoo. Ang binata naman ay dahil sa paghahanap ng senyales na may katugon ang damdamin nito para sa kanya. Sa huli, pinili ni Jing-jing na sumugal.
Nanginginig ang mga labi na lumunok si Jing-jing at humakbang palapit kay Bell. Then she tightly wrapped her arms around him and pressed her cheek on his hard chest. Saglit itong natigilan. Tila hindi malaman kung ano ang gagawin. Mabilis na mabilis ang tibok ng puso nito. Nang sa wakas ay tila tumagos sa isip nito na siya na ang unang tumawid sa distansya sa pagitan nila, medyo nanginginig pa ang mga braso nito nang iyakap ang mga iyon sa katawan niya.
“Jing?” paanas na untag nito.
“Iisipin mo bang cheap ako kung sasagutin na kita agad ngayon?”
Malakas na napahalakhak naman ito. Sinapo nito ang pisngi niya at iniangat ang mukha niya upang magsalubong ang mga tingin nila. Tumungo ito upang pati mga labi nila ay magsalubong. Mariing siniil nito ng halik ang mga labi niya.
“I don’t know if I love you too, Bell. Pero tuwing kasama kita, pakiramdam ko wala nang kulang sa buhay ko. Hinahanap-hanap kita kapag wala ka. At lahat ng mga naging girlfriends mo gusto kong kalbuhin lahat. Sapat na ba iyon para masabing mahal kita?”
“That’s more than enough, Jing.”