“Ano? Ano’ng sabi mo?” untag ni Jing-jing kay Bell. Parang namali kasi siya ng dinig sa binata. Kasalukuyan silang lulan ng sasakyan nito at pauwi na sila mula sa movie date nila. Mahigit isang linggo na matapos ang pasko. Nagpalit na rin ng kalendaryo at kasalukuyan nang nasa pang-apat na araw ng bagong taon. Hindi na muli nila pinag-usapan ang tungkol sa pinagtalunan nila noong Christmas Eve. Nang muli silang magkita ay parang walang nangyari na bumalik sa dati ang pakikitungo ni Bell sa kanya. Malambing, maasikaso at very vocal sa pagsasabing mahal siya nito. Nakuntento na siya roon. Unti-unti napalis na ang pangambang umusbong sa dibdib niya sanhi ng nakait aniyang ekspresyon sa mukha ni Bell nang gabing iyon.
Kaya naman parang bombang biglang ihinagis sa kanya ang sinabi nito ngayon.
“Bibiyahe ako papuntang States sa Wednesday. May mga seminars akong dadaluhan doon. I’ll be there for two months. I’m sorry, noong isang araw ko pa dapat sinabi ito sa iyo.”
Saglit itong sumulyap sa kanya bago ibinalik agad sa harapan ng daan ang tingin. At natitiyak niyang dahil iyon sa ayaw nitong makita ang pagkadismaya at hinanakit na alam niyang nakabakas sa mukha niya nang mga sandaling iyon.
“Wednesday?! Tuesday na ngayon ah! Ibig sabihin bukas aalis ka na?!! Bakit ngayon mo lang sinabi?!” sunod-sunod na usisa niyang hindi mapaniwalaang aalis na ito bukas na mismo pero ngayon pa lang nito ipinaalam sa kanya iyon.
Parang gusto niyang maghisterya. Pero masisisi ba siya nito gayong labis siyang ginulat ng sinabi nito?!
“Hindi naman ako sa outer space pupunta, Jing. May internet naman, may telepono. Kahit araw-araw tatawag ako sa iyo. Dalawang buwan lang iyon. Ilang tulog lang nakabalik na agad ako.”
“Kahit na! Dapat sinabi mo agad sa akin! Bell, naman eh!” nagmamaktol na aniya.
Umarko ang mga kilay nito at naaaliw na tumaas ang sulok ng labi nito. Pero nang tignan niya ito, nahuli niya pa rin ang lungkot na hindi maikubli ng asul na mga mata nito.
“Ayokong mai-stress ka lang sa pag-iisip tungkol sa pag-alis ko kaya sinadya kong huwag sbaihin agad sa iyo ang tungkol rito. Babalik naman agad ako,” kaswal ang tonong anito. Umaaktong kunwari ay balewala lang rito ang nakaambang dalawang buwan na pagkakalayo nila.
“Itabi mo muna ang sasakyan,” utos niya rito. Agad naman nitong itinabi ang sasakyan. Agad siyang yumakap rito nang pumihit ito paharap sa kanya. Sinapo ng mga kamay nito ang liko dng ulo niya at mariing kinintalan ng halik ang tuktok ng ulo niya.
“You know I love you, don’t you?” pabulong na tanong nito sa kanya.
Tumango siya. “Mahal din kita, Bell. Mami-miss kita. Ano’ng oras ang flight mo bukas?”
“Huwag mo nang alamin. Ayokong ihatid mo ako sa airport. Pagkahatid ko sa iyo sa condo mo, uuwi ako para asikasuhin ang mga gamit ko.”
“No! Stay with me tonight! Ihahatid kita sa airport.”
“Ayoko. Mas mahihirapan akong umalis kapag ihinatid mo pa ako. Baka umiyak ka pa, pangit mo pa naman pag umiiyak,” tudyo nito.
“Bell, naman eh. Ang daya mo!”
“Hindi naman taon akong mawawala, para kang sira!” natatawang anito.
Hindi niya maipaliwanag kung ano at saan nagmumula ang kabang lumulukob sa puso niya nang mga sandaling iyon. Basta may kung anong pwersang nagsasabi sa kanya na ang araw na iyon na ang huling beses na makikita niya ang nobyo. May kung anong sixth sense niya ang nagbubulong sa kanya na lahat ng binibitiwang salita ni Bell nang mga oras na iyon ay pawang kasinungalingan lang. He was ending their relationship no matter what his lips were telling her.
“I love you, Bell. I love you so much! Please, come back to me!” wala na siyang pakialam magmukha man siyang tanga sa pakikusap niya rito gayong ang paalam nga lang nito ay dalawang buwan lang ito mawawala.
Sa halip na sumagot ay masuyong nginitian siya ni Bell. Saka ito tumungo upang sakupin ng mga labi ang labi niya at siilin siya ng halik.
Apat na araw muna ang lumipas bago natanggap ni Jing-jing ang inaabangan niya tawag mula kay Bell.
“Bell! I miss you! I love you! Kumusta ang biyahe? Bakit ngayon ka lang tumawag? Nag-aalala na tuloy ako.”
“I miss you too! Marami lang inasikaso agad pagdating ko dito. Had to rent an apartment, mas mahal kung sa hotel akomag-i-stay ng dalawang buwan.”
“I miss you. Parang kulang ang araw ko ngayong malayo ka. Hindi kita pwedeng yayaing manood ng WALKING ZOMBIES kung kailan ko gusto.”
Bahagyang natawa ito sa kabilang linya. “Alam ko. Magpaka-busy ka na lang para hindi mo mamalayan ang oras. Kapag busy ka na, tiyak bibihira mo na lang akong maiisip, hindi ka na malulungkot. What I’m doing is for the two of us, someday you’ll thank me for it.”
Natigilan siya. Saka natawa. “Nag-iipon ka na para sa engrandeng kasal natin? Sige, mabuti iyan, Alexander Graham Bell. Gusto ko sa Balesin tayo ikasal, tulad nung kasal nina Heart at Chiz.”
Tumawa rin ito pero parang bahaw ang dating niyon sa pandinig niya. O umaandar lang ang imahinasyon niya? Saglit lang sila nag-usap dahil maya-maya nagpaalam na ito. Magpapahinga na raw ito at tatawag na lang ulit sa kanya. But that was just one of his four calls that she got from him. After the fourth final and devastating call, she never heard from him again.
Mula sa labas ng silid ni Jing-jing ay dinig na dinig ni Tom ang malalim na lungkot sa likod ng awiting kinakanta ng bunsong kapatid niya habang itinitipa nito ang himig ng kanta sa keyboard nito. Kahit siguro pusong bato ay matitibag kapag narinig ang lungkot at sakit sa tinig ng dalaga. Kung kaharap lang niya si Bell ng mga oras na iyon, mukha ng lalaki ang titibagin niya. Alam niyang dahil sa lalaki kaya parang mistulang buhay na patay ang kapatid niya ngayon.
Kapag kinukumusta naman niya si Jing-jing tungkol kay Bell na hanggang ngayon ay hindi pa bumabalik mula sa States, simpleng kibit ng balikat lang ang isinasagot ni Jing-jing sa kanya. Sa kabila ng pananakit ni Bell sa damdamin ng kapatid niya, ayaw pa ring siraan ni Jing-jing sa kanya ang lalaki.
Kay Ace at kay Darrell pa niya nalaman na dalawang linggo pag-alis ni Bell ng bansa ay nakipaghiwalay ito thru phone call kay Jing-jing.
At ang pananakit at pagtalikod ni Bell sa kapatid niya ang dahilan kung bakit para na ring zombie sa paborito nitong TV show si Jing-jing ngayon. Patuloy itong kumikilos pero walang kabuhay-buhay. Walang sigla. Walang interes ang mga mata. Tipid na nagsasalita gayong nuknukan ito ng daldal. Maging ang mga kabanda nito ay nag-aalala na dito dahil ilang gigs na ng mga ito ang hindi sinipot ng dalaga.
Animo katawang walang kaluluwa na ang kapatid niya. Ibang-iba sa masayahin, masigla, makulit at pilyang katauhan nito. Kaya’t maging mga bagong kakilala nito ay napapansin iyon.
Isang mahabang katahimikan ang namayani pagsambit ni Jing-jing sa huling salita. Mag-aalala na sana si Tom at papasok sa silid ng kapatid nang sinundan ng malakas at malulutong na pagmumura at pagsumpa ni Jing-jing sa buong lahi at salinlahi ni Bell ang namayaning katahimikan. Kasunod niyon ay pagbato nito ng kung anong matigas na bagay sa dingding. Malakas at halatang puno ng galit ang pagbato nito. Kasabay niyon ang malulutong na pagmumura nito.
“Hindi ka kawalan sa buhay ko, Alexasar Gagong Bell!! Wala kang kwentang tao! Duwag! Manloloko! Taksil! Siraulo! Gago!” pagtutungayaw ni Jing-jing na sa sobrang lakas ay hangos na napalabas mula sa silid nito si Lucibelle.
Nanlalaki ang mga matang napamaang ito sa kanya.
“Ano’ng ginagawa mo diyan? Bakit hindi mo siya pigilan?” asik nito sa kanya.
“Hayaan lang muna natin siyang ilabas lahat ng galit at sama ng loob niya. Kapag naggawa na niya ‘yon, tapos na. Bukas okay na ulit siya. Kahit noong bata pa siya ganyan siya maglabas ng sam ang loob niya.”
“Sigurado ka? Parang ginigiba na niya ang kwarto niya.”
“And she’d regret it tomorrow and probably blame Bell about it too.”
“Gagong Bell talaga iyon. Kung hindi ba naman siraulo, makikipag-break sa telepono?! At hindi man lang umisip ng orihinal na dahilan o rason ng pakikipag-break niya!” gigil na sambit ni Lucibelle. Obviously, alam nito ang dahilan ng paghihiwalay nina Bell at Jing.
Inarkuha niya ng mga kilay si Lucibelle bilang pagtatanong.
“Alam mo kung ano’ng rason ang sinabi niya?”
“Hindi. Kaya nga tinatanong kita.”
“May iba na raw siyang mahal. Nakilala niya roon sa States. Gago talaga!”
Kumunot ang noo ni Tom. Ewan niya pero hindi siya naniniwala roon. Limang taong lihim na minahal ni Bell si Jing-jing. Pati pagkakaibigan nito at ni Ace isinugal nito makasama lang ang kapatid niyang babae. Tapos dahil lang sa isang babaeng nakilala nito sa States, ipagpapalit nito si Jing-jing? Hindi man lang sa isang ex na matagal na nitong kakilala at minsang minahal?
Ang totoo, hindi siya gaanong nag-aalala nang malaman niya ang paghihiwalay nina Jing at Bell. Nasisiguro kasi niya na pagbalik ni Bell sa bansa, itataob nito ang buong Pilipinas kung iyon ang kailangang nitong gawin para lang makabalikan si Jing-jing. Kaya nga boto siya rito. Alam niya kung gaano kamahal ng lalaki ang kapatid niya.
Bigla niyang naalala ang kapatid ni Bell na si Marie.
“Imposibleng ipagpalit ni Bell sa ibang babae si JIng-jing. Hindi kaya may kinalaman si Marie dito?”
“Alam mo naisip ko nga rin iyan. Pero magkasundo na sina Jing-jing at Marie. Ilang beses na ngang nagpunta rito si Marie para ilakad ang kuya niya kay Jing-jing. Siya rin mismo ang nagsasabing walang ibang babae si Bell sa States. At kinukumbinsi niya si Jing-jing na tawagan ulit at kulitin ang kuya niya. Kahit yata kasi sa kanila, bibihirang tumawag si Bell lately,” kalat din ang pagdududa sa anyong ani Lucibelle.
“Kakausapin ko si Ace. May hindi tama rito.”
“Okay. Pero kung totoo ang sinabi ni Bell at may iba na nga siy akaya niya hiniwalayan si Jing-jing, pakibugbog na rin para sa akin, please?”
“My pleasure.”